(May spring food festival, float parade) QC HANDA NA SA CHINESE NEW YEAR CELEBRATION

HANDA na ang pamahalaang lokal ng lungsod Quezon para sa muling pagbabalik ng Chinese New Year celebration na idaraos sa Banawe Street, na kilalang Chinatown sa lungsod.

Sa isinagawang press conference sa Quezon City Hall, inilatag ni QC Tourism Dept OIC Teresa Arroyo-Tirona ang mga aktibidad at programang aabangan ngayong araw.

Kabilang sa mga aktibidad ay ang spring food festival at bazaar na magsisimula ng alas-10 ng umaga.

Susundan ito ng chinatown float parade pagsapit ng alas-2 ng hapon na iikot sa E. Rodriguez Ave, D. Tuazon, Sgt. Rivera pabalik ng Banawe Street.

Kabilang sa dadalo sa okasyon sina Chinese Embassy Deputy Chief of Mission Zhou Zhiyong, QC Mayor Joy Belmonte, QC Association of Filipino-Chinese Pres. Joaquin Co at ilan pang opisyal mula filipino-chinese community.

Ayon kay QC Mayor Joy Belmonte, sumisimbolo ang pagbabalik ng Chinese New Year celebration sa muling pagbangon ng lungsod mula sa epekto ng pandemya at pagkilala rin sa malaking kontribusyon ng Filipino-Chinese community sa paglago ng ekonomiya.

Kaugnay nito, isinara na kagabi, bandang alas-9 sa mga motorista ang bahagi ng Banawe St., mula sa kalye ng Cuenco hanggang Quezon Avenue na pinapayuhang dumaan sa mga alternatibong ruta dahil sa inaasahang pagbagal ng daloy ng mga sasakyan sa lugar at pagdagsa ng mga lalahok sa pagdiriwang.

Kasabay nito, nagpakalat na si QCPD Chief PBGen. Nicolas Torre III ng 600 pulis para tiyakin ang kaligtasan ng mga dadalo sa Chinese New Year celebration.

Gayundin, nihikayat ng QC LGU ang mga makikiisa sa selebrasyon na sumunod pa rin sa health protocols tulad ng pagsusuot pa rin ng face masks para maingatan ang kalusugan sa panahon na maraming tao ang magtitipon tipon sa okasyon. EVELYN GARCIA