NORTH COTABATO – UPANG mapigilan ang umano’y sakuna, binasbasan ng tatlong pari ang mga accident prone area na kalsada sa Brgy. Dado, Alamada.
Kasama ng tatlong pari sa pagbasbas ng banal na tubig, padasal at nagkatay pa ng hayop na alay umano sa mga masasamang espiritu at engkanto sina Cotabato Ist District Congressman Jesus Sacdalan, mga kawani ng DPWH, Gemma Construction Company at mga opisyal ng Brgy. Dado.
Matatandaan na dalawang guro ang nasawi at 40 na mga estudyante ng Kabacan National High School ang nasugatan nang mahulog sa bangin ang isang mini elf truck sa Sitio Dulao, Brgy. Dado, Alamada, North Cotabato.
Bakas pa sa lugar ang madugong trahedya dahil hindi pa nakukuha sa bangin ang nahulog na sasakyan.
Ang mga biktima ay galing sa SSG Officer Seminar ngunit nagside-trip sa Asik-Asik Falls.
Samantala sa Sitio Teren-Teren Brgy. Dado sa bayan ng Alamada ay isang sasakyan din ang nadisgrasya kung saan may nasawi at nasugatan.
Sinabi ng mga matatanda na may malalaking bato umano ang natibag sa pagsasaayos at pagpapaganda ng kalsada patungong Asik-Asik at Daday Falls.
Ang mga malalaking bato ay tinuturing umanong bahay ng engkanto.
Batay sa kuwento, nagalit ang mga masasamang espiritu o engkanto dahilan ng madugong disgrasya.
Panawagan ni Sacdalan sa mga driver na mag-ingat sa pagmamaneho at siguraduhing nasa maayos na kondisyon ang kanilang sasakyan. PILIPINO Mirror Reportorial Team
Comments are closed.