MAPALAD na nasagip ng mga tauhan ng Manila Police District (MPD) ang isang Chinese National matapos itong dukutin at sapilitang ikulong ng kanyang kababayan dahil sa pagkakautang sa casino.
Kinilala ni MPD Director Brig.General Arnold Thomas Ibay, ang biktima na si Luo Jing alyas Jun Cheng, 31-anyos, computer technician at residente ng Tower 2 ,Unit 7011, Coast Residence,Pasay City.
Si Cheng ay nasagip makaraang humingi ng saklolo sa pulisya ang mga kaibigan nito kaugnay sa pagdukot sa kanya ng naarestong suspek na si Song Peng Ren alyas Luo Jie, 35-anyos na isang translator/manager at casino financier.
Sa imbestigasyon, sapilitang isinama ng grupo ng Chinese national si Cheng habang naglalaro ng Casino games sa Xi Lai Deng Casino sa Adriatico Square na matatagpuan sa Ge.Malvar St, panulukan ng Adriatico St , Ermita,Manila.
Ayon sa mga kaibigang kapwa Tsino, pinautang umano ni Luo Jie si Cheng ng P200,000 ngunit aabot sa halagang P500,000 ang magiging kabayaran kasama na ang interes.
Gayunpaman, sinabi ni Cheng na P200,000 lamang ang kaya niyang bayaran kaya sinabihan siya ng suspek na magtrabaho na lamang sa kanya hanggang sa mabayaran ng buo ang kabuuang halaga ng kanyang pagkakautang.
Dito na nagkaroon ng mainitang pagtatalo ang dalawa na nauwi sa komosyon hanggang sa pilabas sila sa casino.
Matapos ang pangyayari ay nawalan na ng komunikasyon si Cheng sa kanyang mga kaibigang Tsino kaya dumulog sila sa MPD-General Assignment Investigation Section upang magsagawa ng imbestigasyon at follow-up operation na nagresulta ng pagkakadakip kay Luo Jie .
Patuloy pa ang follow-up operation ng pulisya para sa iba pang sangkot kasama ang dalawang Pilipino at dalawa pang Chinese.
Sasampahan ng kasong serious illegal detention at Kidnapping ang suspek na walang inirekomendang piyansa.
Mahaharap din si Luo Jie sa kasong Theft na may inirekomendang P10,000 piyansa.
PAUL ROLDAN