(NI SUSAN CAMBRI)
“MAYAMAN ang kultura ng Filipinas.”
Pahayag ito ni Philippine National Police Academy Director BGen. Chiquito Malayo sa ginanap na 41st founding anniversary ng akademiya.
Sa kanilang temang Patriotism Amidst Millenial Generation, inamin ng heneral na iba na ang mga kabataan ngayon kumpara sa mga unang henerasyon. Isa sa mga nakaiimpluwensiya sa kabataan ay ang social media kaya sa kasalukuyan ay tradisyonal pa rin ang approach sa mga kadete.
“Mahalagang maituro natin sa mga kadete ang kultura natin, may kayamanan ang kultura ng Filipinas,” ang pahayag pa ni Gen. Malayo.
Sa kanyang talumpati ay hinimok nito ang mga plebo na pagyamanin ang kultura ng bansa at ipagmalaki ito.
Kabilang sa mga aktibidad sa pagdiriwang ang art competition at socio-cultural dance competition na ang mga kalahok ay ang mga kadete mismo.
Himok ni Dela Rosa sa PNPA
MARAMI PANG MARAWI
AT SAF 44 HEROES
TULOY-TULOY na mag-produce ng mga katulad ng Marawi at SAF 44 heroes.
Ito ang mensahe ni Senador Ronald ‘Bato’ Dela Rosa sa pagdiriwang ng ika-41 founding anniversary ng Philippine National Police Academy (PNPA) kamakailan kung saan siya naging panauhing pandangal.
Pinasalamatan ni Dela Rosa ang PNPA sa paglikha ng mga mapagkakatiwalaan at natatanging mga lider na kayang isakripisyo ang kanilang buhay para sa kanilang mga tauhan sa giyera sa nakalipas na 40 taon.
Binigyang diin pa ng senador na karamihan sa mga pulis na napasabak sa giyera sa Marawi at mga kadre ng Special Action Force na sumagupa sa teroristang si Marwan, ay produkto ng PNPA.
Ipinaalala nito ang kahalagahan ng pagbibigay ng oportunidad ng isang opisyal sa kapakanan ng kanyang mga tauhan at sa respeto sa pagitan ng commander at mga tauhan.
May temang “Patriotism Amidst Millennial Generation”, tampok sa pagdiriwang ang pagkakaloob ng mga parangal sa mga natatanging alumni at mga guro na ituon ang kanilang buhay at pagsisikap para mabago ang institusyon at ang pamayanan.
MGA PINARANGALAN
Binigyan ng PNPA Dr. Jose Rizal Award sa pagdiriwang ng anibersaryo si PCpt Manuel Taytayon Jr. na napatay sa isang operasyon sa Pasay noong Nobyembre ng nakaraang taon. Ang PNPA President Fidel V Ramos “Award for Excellence” ay ipinagkaloob kay PBGen Rodelio Jocson (ret.), PLtc Byron F. Allatog at JSInsp Aris Williamere Villaester.
Habang ang PNPA Gen Mariano N. Castañeda Award ay ibinigay sa Marawi heroes na sina PCol Rex Arvin T. Malimban, PLtCols Lambert A. Suerte, Ledon Monte, Mario Mayames, Jr. at Jack Echman Angog. Ang mga retiradong heneral naman na hindi nadungisan ang reputasyon ay pinagkalooban ng PNPA Gen. Cicero C Campos Award, sila ay sina FDDG Rogelio F. Asignado at JDir Diony D. Mamaril. Ang mga matatagal na rin sa pagsisilbi sa akademiya ay binigyan ng PNPA Gen Vicente Lim Award, sila ay sina Mrs. Milagros F Fermindoza (1st NUP assigned in PNPA), MSgt Jose P. Nogoy Jr. (1st PNPA Band Master), PMaj Jaime B. Allibang (1st Dean of Academics) at PCol Conrado N. Capacio (1st PNPA Commandant of Cadets). Habang service awards naman sa exemptional organic personnel ng akademiya na sina PCol Prexy Tanggawohn ay Commissioned Officer of the Year habang si PMaj Agapito M. Duque III ay Tactical Officer of the Year. PSSg Sammy F Paz ay kinilalang Non-Commissioned Officer of the Year habang si Ms Agnes B. De Guzman ay Non Uniformed Personnel of the Year sa non supervisory level. Sina Dr. Jezamine R. De Leon, RPsy, RGC, RPM ay Non-Uniformed Personnel of the Year sa supervisory level, Prof Juana B. Anog ay pinarangalan bilang Outstanding Professor of the Year.
Comments are closed.