MAYAYAMANG BANSA MAS MURA ANG BILI SA BAKUNA

Imee Marcos

PINAGPAPALIWANAG ni Senadora Imee Marcos ang gobyerno bakit mas mahal at lampas doble ang babayaran nito sa pagbili ng Covid-19 vaccine kaysa sa mayayamang mga bansa.

Sinabi ni Marcos,  chairman ng Senate Committee on Economic Affairs, na isinapubliko ni Belgium Budget Secretary Eva De Bleeker na mabibili ng mga miyembro ng European Union (EU) ang AstraZeneca vaccine sa halagang 1.78 euro o 105 pesos per dose lamang, na 2.3 beses na mas mura sa babayaran ng Filipinas sa British-Swedish pharmaceutical firm.

Sa linggong ito, inaasahang lalagdaan ng Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases (IATF-EID) ang kasunduan sa AstraZeneca para sa pagbili ng 30 million doses ng bakuna nito sa $5 o nasa Php240 per dose,  sa oras na magbigay na ng awtorisasyon ang UK health ministry sa paggamit nito.

“Hindi tugma ang presyo sa pangako sa nasabing bakuna,” ani Marcos.

Tinukoy ni Marcos ang mga pahayag ng hepe ng AstraZeneca na si Pascal Soriot pati na rin ang research partner ng kompanya na ang Oxford University na magbibigay ng bakunang hindi pagkakakitaan habang umiiral ang pandemya sa buong mundo, at habambuhay para sa mga low- at middle-income countries.

“Bakit pumayag ang ating gobyerno na gumastos nang palugi?” tanong ni Marcos.

Sa $5 per dose, gagastusan ng gobyerno ng Filipinas ang 30 million doses ng halagang $150 million o halos P7.2 billion, na kayang bumili ng higit sa 69 million doses para sa EU.

“Dahil dalawang doses ang kailangan, 15 million na Pilipino ang maaaring mabakunahan sa kaparehong halaga na halos saklaw ang nasa 34.5 million na Europeans,” pagdidiin ni Marcos.

Inihalimbawa rin ni Marcos ang Estados Unidos na target din bumili ng AstraZeneca sa halagang $4 per dose, na maaaring mabakunahan ang limang Amerikano sa kada apat na Filipino.

“Dapat masagot ng IATF ang isyu sa presyo, para ‘di pagdudahan ang gobyerno na pinagkakakitaan ito sa kabila na gipit ang budget para sa bakuna,” ani Marcos.

Isinusulong ni Marcos na magkaroon ng inisyatibo ang ASEAN para kausapin ang global pharmaceutical firms na alisin na muna ang kanilang intellectual property rights sa patents ng kanilang bakuna, para maaari nang lokal ang paggawa sa bakuna at mapapababa ang presyo nito sa mahihirap na mga bansa. VICKY CERVALES

Comments are closed.