ISANG warrant of arrest ang ipinalabas kahapon ng Manila Regional Trial Court(MRTC) laban kay Lalaine Yuson, maybahay ng napaslang na si Batuan, Masbate Vice Mayor Charlie Yuson, kaugnay sa kasong libel na isinampa laban sa kanya ni Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) Director Sandra Cam.
Sa arrest order na ipinalabas ni MRTC Branch 49 Presiding Judge Daniel Villanueva inatasan nito ang mga law enforcer na arestuhin ang ginang na ang huling address ay sa Brgy. Poblacion, Batuan Masbate.
Ayon sa hukom, nakitaan ng probable cause ang isinampang kaso ni Cam laban kay Yuson kaya iniutos niya ang pag-aresto rito at itinakda ang piyansa na P30,000.
Ang libel case ni Yuson ay nag-ugat matapos itong magpatawag ng ilang beses na press conference kung saan tahasan nitong itinuturo si Cam na siyang nag-utos na patayin ang kanyang asawa bagaman walang kaakibat na ebidensya.
Ang lalaking Yuson ay matatandaang pinagbabaril habang nag-aalmusal sa Sampaloc, Manila noong Oktubre 2019.
Ang paratang ni Ginang Yuson ay mariing itinanggi ni Cam at iginiit na walang dahilan para gumawa siya ng krimen.
Ang napaslang na si Yuson ay una nang nasangkot sa kasong illegal possesion of firearms matapos makumpiskahan ng mga matataas na kalibre ng baril sa isinagawang raid ng awtoridad sa kanilang pag-aaring resort sa Masbate.
Sangkot din sa nasabing kaso ang anak ni Yuson na si Batuan Mayor Charmax Yuson, mayroon itong outstanding warrant of arrest ukol sa illegal possession of firearm kaya nagtatago ito. PILIPINO MIRROR REPORTORIAL TEAM