MAYNILA BILANG FASHION CAPITAL NG BANSA IBABALIK

PLANONG patanyagin at muling ibalik ang Maynila bilang fashion capital ng bansa.

Ito ang inihayag sa isinagawang press conference kaugnay ng gaganaping fashion extravaganza na tinawag na ‘RAMPA MANILA’ sa Hunyo 20 sa Bulwagang Rodriguez.

Sa pangunguna ni Manila Mayor Honey Lacuna at Charlie DJ Dungo hepe ng Department of Tourism, Culture and Arts of Manila (DTCAM), ito ang kauna-unahang fashion show na kabilang sa mga nakalinyang gawain para sa ika-452 taong anibersaryo ng pagkakatatag ng Maynila.

“We would like Manila to reclaim its place in Philippine fashion and culture , promote our local artists and the shops in Divisoria that play a big role in the textile trade. Manila offers a wide variety of inspiration and source of materials,” pahayag ng alkalde.

Ang mga kilalang fashion icons na sina Albert Andrada, Michael Leyva, Marlon Tuazon, Puey Quiñones at Jo Rubio ang magtatanghal ng kanilang piling disenyo ng mga kasuotan na magtatampo sa esensya ng Filipino heritage with cutting edge trend.

Kasama rin magrampa ng kanilang dinisenyong kasuotan ang mga bagong talento na kinabibilangan nina John Jay Montecalvo, Gabriel Buenabajo at Corven Uy.

Ang kauna-unahang fashion extravaganza ay ididirek ng kilalang fashion runway director na si Bang Pineda.

Samantala, isang libreng concert ang ginawa noong Hunyo 16 ng city government kung saan itinatampok ang nag-iisang “Unkabogable Star” na si Vice Ganda sa Kartilya ng Katipunan, Manila City Hall.

Tinawag na “UNKABOGABLE MAGNIFICENT CONCERT SA MAYNILA,” ito ay inorganisa ng Department of Tourism, Culture and Arts of Manila sa pamumuno ni Dungo.

Kabilang sa mga performing artists sina Mc Muah, Lassy at Six Part Invention.

Nang mismong araw na ding iyon, Public Employment Service Office sa pamumuno ni Fernan Bermejo ay nagsagawa ng “SERBISYO CARAVAN JOB FAIR” mula alas- 9 ng umaga hanggang ala- 5 ng hapon sa Brgy. 103, Romana St., Zone 8, District 1, Tondo, Manila kung saan marami sa mga nag-apply ang agad na hired on the spot.

Nagkaroon din noong umaga ng Biyernes ng city-wide tree-planting activity kung saan pinangunahan ni Lacuna sa Arroceros Forest Park, na kilala din bilang ‘last lung’ of the city.

Nauna dito, kasama ng alkalde ang ibang city at barangay officials ay nanguna sa cleanup activities na sabay-sabay na ginawa sa iba’t-ibang lugar sa lungsod.

“Laging tatandaan na ang ating kapaligiran ay nagpapakita rin ng kalagayan ng ating mga sarili, kung kaya’t lagi natin itong pahahalagahan,” anang alkalde kasabay ng panawagan sa lahat ng Manileño na gawin ang paglilinis ng kapaligiran araw-araw.

Samantala, ang premiere night ng five official entries para sa Manila Film Festival 2023 ay ginawa sa SM Manila cinemas.

Ang Manila Film Festival 2023 Grand Parade of Entries ay ginawa rin sa pamamagitan ng pagparada ng floats sa mga itinakdang ruta nito.

Layunin ng festival na itanghal ang malawak at iba’t-ibang uri ng mga lokal na pelikula na ginawa ng mga estudyante mula sa iba’t-ibang pamantasan, kung saan ang mga winning entries ay mula sa Colegio de San Juan de Letran, Arellano University – Pasig, Adamson University, University of the Philippines at University of Makati.

Ang limang official entries para sa The Manila Film Festival ay ang mga: The Uncanny, Unspoken, The Adventures of Kween Jhonabelle, Thanks for the Broken Heart and CTRL-F-ESC. VERLIN RUIZ