GOOD news para sa mga residente ng third district na nangangailangan ang dialysis.
Inanunsyo kahapon ni Manila Mayor Honey Lacuna na nag-sponsor si Congressman Joel Chua (3rd district) ng dialysis center sa Binondo, Manila upang tulungan ang mga pasyente na hindi kaya ang gastusin sa prosesong medikal na ito.
Ang bagong dialysis center na tinawag na Passion Health Care Dialysis Center ay karagdagan sa mga umiiral ng dialysis centers sa Sta. Ana Hospital, Ospital ng Maynila at Gat Andres Bonifacio Medical Center na pinamumunuan ni Director Dr. Ted Martin at siyang pinakamalaki sa Southeast Asia kung saan kayang magsilbi ng 100 pasyente kahit anong araw.
Pinasalamatan ng alkalde si Chua para sa nasabing proyekto, kasabay ng pagpapahayag ng pag-asa na makapaglagay pa ng dialysis centers sa natitira pang distrito ng Maynila.
Sinasabing ang bagong medical facility ay maglilingkod sa mga pasyenteng indigent na kailangan ng libreng dialysis na isa-subsidized ng PhilHealth.
Dahil dito, ang mga medical referrals na mula sa tanggapan ng kongresista ay tatanggapin sa Passion Healthcare Philippines, Inc. sa Binondo.
“We made sure that Passion Healthcare complies with the Department of Health and PhilHealth standards on accreditation and quality standards for that kind of healthcare facility,” ani Chua.
Ang dialysis center ay matatagpuan sa Barangay 288, Binondo sa ilalim ni Chairman Bernard Go at pagmamay-ari at ino-operate ng Passion Healthcare Philippines na kung saan tulad din ng ibang dialysis centers sa ibang lugar na nagsisilbi sa nga indigents na nangangailangan ng libreng dialysis na binabayaran ng PhilHealth.
Upang makapag-avail libreng dialysis na serbisyo, ang indigent patients sa third District ay aasikasuhin sa field offices kung saan sila iinterbiyuhin at ia-assess.
Mayroon din forms na kailangan i-fill in at kailangan din ang documentation as per regulations ng DOH at PhilHealth.
VERLIN RUIZ