UMAPELA sina Manila Mayor Honey Lacuna at Vice Mayor Yul Servo ng donasyon na maaaring in kind o in cash para sa halos 2,000 pamilyang nawalan ng tirahan dahil sa dalawang malaking sunog sa Tondo.
Sinabi ng dalawang pinakamataas na opisyal ng kabisera ng bansa na malayo ang mararating ng nasabing donasyon para sa muling pagbangon ng mga nasalanta ng sunog.
Tiniyak ni Lacuna na ang Manila City Council sa ilalim ni Servo ay gumagawa na ng mga hakbang upang mapagkalooban ang mga biktima ng sunog ng sapat na tulong.
Binigyang diin ng alkalde na dahil napakalaking halaga ang kailangan sa dami ng pamilyang naapektuhan, ang probisyon para sa tulong pinansyal ay kailangang dumaan sa tamang proseso dahil pondo ng lokal na pamahalaan ang pinag-uusapan dito.
Sinabi pa ni Lacuna na siya at si Servo ay sobrang maingat pagdating sa paghawak ng public funds, at lagi nilang iniisip na nasa tama ang paggugol nito at naaayon sa batas.
Samantala, sinabi ni Lacuna na ang lahat ng contributions upang suportahan ang mga pamilyang naapektuhan ng sunog ay highly welcome.
Ang lahat ng donasyon, ayon pa sa alkalde ay maaaring dalhin sa office of Manila Department of Social Welfare (MDSW) chief Re Fugoso at sa Manila Disaster Risk Reduction Management Office (MDRRMO) sa pamumuno ni Arnel Angeles.
Sinabi pa ni Lacuna na maaari rin dalhin ang donasyon sa Kartilya ng Katipunan sa tabi ng Manila City Hall.
Ang mga kawani ng MDRRMO at MDSW ay nasa nabanggit na site para tanggapin ang mga donasyon.
Nabatid na kapos na rin ang kaban ng Maynila dahil sa laki ng utang na minana nito sa nagdaang administrasyon.
VERLIN RUIZ