(Maynilad customers pinaghahanda) 9-HOUR WATER INTERRUPTION

MAYNILAD

PINAG-IIPON na ng tubig ang mga customer ng Maynilad para sa posibleng siyam na oras na water interruption sa susunod na linggo.

Ito’y dahil ang lebel ng tubig sa Angat Dam ay nakikitang bumababa, na magbubunsod ng pagbawas sa alokasyon ng tubig para sa mga concessionaire ng Metropolitan Waterworks at Sewerage System (MWSS).

Ayon kay MWSS Angat/Ipo Operations Management Division head Patrick James Dizon, inaasahan nilang aabot sa minimum operating level na 180 meters ang antas ng tubig sa dam sa Sabado.

Sa datos ng PAGASA, bandang alas-6 ng umaga nitong Biyernes, ang lebel ng tubig sa Angat Dam ay nasa 180.45 metro, mas mababa sa 180.99-meter level noong Hulyo 6.

Sinabi ng National Water Resources Board (NWRB) nitong Huwebes na babawasan pa nito ang water allocation para sa MWSS sa 48 cubic meters per second (cms) mula sa 50 cms sakaling bumaba ang tubig sa Angat Dam sa 180 meters.

Idinagdag niya na ang notice of interruption para sa mga apektadong lugar ay ilalabas ng Maynilad sa pamamagitan ng social media accounts nito sa Lunes, Hulyo 10.

“The number of hours of interruption – 7 p.m. to 4 a.m. (siyam na oras)… that is lesser than the 14 to 16 hours interruption in April 2023,” aniya.

Ang Angat Dam ay nagsusuplay ng higit sa 90% ng maiinom na tubig na kinakailangan ng Metro Manila.

EVELYN GARCIA