MAYO 18 BILANG NATIONAL HIGHER EDUCATION DAY

BATAS na ang selebrasyon ng mga opisyal at tauhan ng Commission on Higher Education (CHED) tuwing Mayo 18.

Ito ay makaraang lagdaan ni Pangulong Rodrigo Duterte noong Pebrero 5 ang Republic Act No. 11522 bilang “National Higher Education Day” tuwing sasapit ang petsang Mayo 18.

Nangangahulugan din na armado ng batas ang paggunita sa nasabing petsa bilang founding anniversary ng CHED.

Ang CHED ay itinatag noong Mayo 18, 1994 makaraang maisabatas ang RA 7722, kung saan binigyan ng kapangyarihan ang ahensiya na magsagawa at magrekomenda ng development plans, priorities, at programs sa higher education.

Mandato rin nito na magtakda minimum standard para sa mga programa at institutions laan para sa higher learning na ginagabayan ng panels of experts at maisasakatuparan kapag dumaan sa public hearing.

“The CHED shall be the lead agency in charge of the preparation and implementation of an annual program of activities and advocacy campaign for the observance of the ‘National Higher Education Day’,” nakasaad sa bagong batas.

Alinsunod pa sa batas, lahat ng higher education institutions (HEIs) ay magbibigay ng todo suporta at assistance para sa paghahanda ng taunang programa at aktibidad na isasagawa ng CHED para sa paggunita sa National Higher Education Day.

Ang RA 11522 din ang gagabay sa lahat ng pinuno ng government agencies, instrumentalities, public at private educational institutions, private employers, gayundin sa industry associations upang bigyan daan ang selebrasyon at makilahok ang mga opisyal at tauhan sa pagdiriwang kapag National Higher Education Day.

Epektibo ang batas kapag naianunsiyo o nailathala sa anumang publication na may general circulation.
EVELYN QUIROZ

Comments are closed.