NOONG December 1998, nilagdaan ng noo’y Pangulong Joseph Estrada ang Proclamation No. 57 na nagdedeklara sa buwan ng Mayo bilang Month of the Ocean.
Kaya naman taon-taon ay ginugunita ito sa Pilipinas sa pangunguna ng Department of Environment and Natural Resources- DENR-Biodiversity Management Bureau.
Layunin nito na paigtingin ang pagbabantay sa likas na yaman mula sa karagatan, kasama na ang isda at iba pang buhay na taglay nito, kabilang na ang mga coral.
Ang lahat ng ahensiyang may kinalaman sa karagatan gaya ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources ay katuwang sa pagbabantay sa karagatan.
Para matiyak din na walang banta sa yamang dagat, hinahayaan ang mga eksperto na siyasatin ang mga corals o magsagawa ng scientific research.
Habang ang mga isda na bihira na lamang nakikita ay patuloy na inaalagaan.
Hindi lamang para sa turismo ang mga hakbang kundi para mapangalagaan din ang yamang dagat sa Pilipinas.
Hindi lamang ngayong buwan ibinubuhos ang pag-aalaga sa karagatan kundi araw-araw ay nakamasid ang mga ahensiyang nabanggit dahil kapag ang karagatan ay napabayaan mula sa pang-aabuso, wala nang madaratnan ang mga susunod na henerasyon.