MAYON POSIBLENG MAGBUGA NG ‘LAHAR’- PAGASA

BASE sa Tropical Cyclone Bulletin #4 na inisyu ng Philippine Atmospheric Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) kagabi ng alas 8:00 ng Setyembre 1, inaasahang mananatili ang lakas ng Tropical Depression “ENTENG” at magdudulot ng malakas hanggang napakalakas na pag-ulan sa Bicol Region at Silangang Visayas.

Ang mga pag-ulang ito ay maaaring magdulot ng mga daloy ng lahar o agos ng putik sa mga ilog at mga daluyan ng tubig sa paligid ng Bulkang Mayon.

Dahil dito, mahigpit na inirerekomenda ng DOST-PHIVOLCS ang mahigpit na pagbabantay at kahandaan ng mga komunidad sa mga lugar na posibleng maapektuhan ng lahar at iba pang kaugnay na panganib mula sa bulkan.

Ang matagal at malakas na pag-ulan ay maaaring magdulot ng lahar kahit walang pagputok ng bulkan sa mga ilog o daluyan ng tubig na nagdadala ng tubig mula sa bulubunduking bahagi ng Mayon.

Posibleng maganap ang lahar at agos ng tubig na puno ng sediment sa mga daluyang Miisi, Binaan, Anoling, Quirangay, Maninila, Masarawag, Muladbucad, Nasisi, Mabinit, Matan-ag, Bonga, Buyuan, Basud at Bulawan Channels sa Lalawigan ng Albay.

Mahigpit na pinapayuhan ng DOST-PHIVOLCS ang mga komunidad at lokal na pamahalaan sa mga nabanggit na lugar na patuloy na subaybayan ang kalagayan ng tropical depression at magsagawa ng mga pre-emptive na hakbang para sa kanilang kaligtasan mula kay “ENTENG.”

RUBEN FUENTES