IPINAG-UTOS na ni Executive Secretary Lucas Bersamin ang pagkansela sa Philippine passport ni dismissed Mayor Alice Guo na mistulang nag-tri city, termino ng pakete sa pamamasyal sa tatlong bansa — sa Malaysia, Singapore at Indonesia.
Batay sa record, noon pang July 17 nakalabas ng bansa ang kontrobersiyal na alkalde ng Bamban, Tarlac at walang nakakaalam nito.
Ibinunyag lamang ito kamakalawa sa Senado.
Ang pagkansela sa kanyang passport, gayundin ng tatlo niyang kamag-anak ay alinsunod sa batas o sa Philippine Passport Act.
Sinabi ng Punong Kalihim na may awtoridad ang Department of Foreign Affairs na kanselahin ang pasaporte ng mga holder kung nakokompromiso ang bansa, may banta sa national security, at kung pugante ang holder.
Kanya-kanyang pahayag ang mga ahensiya ng pamahalaan at una nang sinabi ng Bureau of Immigration na nasa Immigration Look Out Bulletin nila si Guo subalit walang hold departure order kaya hindi nila alam kung paano nakapuslit ang alkalde.
Sa panig ng Philipine National Police, nakikipag-ugnayan na sila sa kanilang counterpart upang matukoy ang kinaroronanan ni Guo.
Dahil sa pagpuslit ni Guo, nagiging tampulan at meme sa social media kung paano ito nakadaan sa immigration counter sa mga paliparan habang maaaring sa back door ng bansa ito dumaan gamit ang charter plane.
Sa huli, napatunayan na walang imposible sa sinumang indibidwal lalo na’t may pasaporte at pera na makaalis ng bansa kahit pa pinaghahanap pa siya.