MASAKIT mang aminin, subalit dahil sa kontrobersiyang kinakaharap gaya ng pag-uugnay sa kanya sa Philippine Offshore Gaming Operators (POGOs), kasama na ang unti-unting pagkawasak ng kanyang reputasyon at pagdududa sa kanyang paglilingkod sa mga kababayan, sinabi ni Bamban Mayor Alice L. Guo na isa siyang love child ng kanyang 70-anyos na ama sa kanilang kasambahay.
Ang masakit na katotohanan ng kanyang pagkatao ay inamin ni Guo bilang sagot sa mga taong kumukutya sa kanya lalo na sa social media dahil sa dagsang “memes”.
Magugunitang dahil hindi maibigay ni Guo ang kanyang tunay na pagkakakilanlan ay pinagdudahan siya na isang espiya.
Sa kanyang opisyal na pahayag, sinabi ni Guo na hindi niya hangad na lituhin ang mga senador nang humarap sa pagdinig ng Mataas na Kapulungan ng Kongreso subalit naguguluhan siya dahil ayaw niyang ibilad ang katotohanang siya ay anak ng kanyang ama sa kanilang kasambahay, at upang huwag masaktan ang ama at hindi nakikilalang ina, sinabi na lamang niya na wala siyang maalala.
“Hindi po sa kadahilanang wala akong maisagot, kundi sa hangad ko pong ‘wag magsinungaling… na siyang pinag-ugatan ng aking tugon na “hindi ko po alam, your honors,” anang mayora.
Diin ni Guo na ang labis niyang pagmamahal sa ama ang dahilan kaya umiwas siyang magsinungaling.
“Ang pag-iwas ko rin pong magsinungaling sa aking mga sagot ay sanhi ng pagmamahal ko at pag-aalala sa mahal kong ama. Sa kanyang edad na 70 ay ayaw ko na pong makaladkad siya sa aking pinagdaraanan,” sabi pa niya.
Ang kanyang tunay na pagkakakilanlan din ang dahilan kaya hindi na siya nag-asawa at ninais na lamang maglingkod sa mga kababayan ng taos sa puso.
“Ang hindi pagiging perpekto ng aking pagkakilanlan ang siya ring dahilan kung bakit sa edad na 38 ay pinili ko na hindi na mag-asawa, at sa halip ay itinuon na lamang ang aking panahon at ang mga biyayang ipinagkaloob ng Diyos sa pagtulong sa kapwa, higit sa lahat ay sa aking mga kababayan sa Bamban na nagtiwala sa aking katapatan at kakayahan,” sabi pa ni Guo.
Samantala, iginiit ni Guo na wala siyang kinalaman sa ilegal na operasyon ng POGO sa Baofu Compound sa kanyang nasasakupan.
“Hindi rin po ako espiya ng alinmang bansa kagaya ng ibinibintang, o kaya ay iniisip ng ilang politiko na misteryo sa aking pagkakakilanlan,” bahagi ng pahayag ni Guo.
Sa usapin kung may kinalaman siya sa POGO, nanindigan si Guo na hindi totoo na protektor siya o nasa likod ng ilegal na operasyon ng POGO sa kanilang bayan.
Wala rin, aniya, siyang natatanggap na ano mang report sa munisipyo tungkol sa mga gawaing kriminal, o labag sa batas sa loob ng POGO hub na pinatatakbo at lisensiyado ng PAGCOR.
“Ang pagkakaalam ko po ay mayroong opisina ang PAGCOR doon mismo sa loob ng POGO hub sa Baofu Compound upang subaybayan, bantayan at i-regulate ang takbo ng nasabing lisensiyadong POGO operator. Ang PAGCOR, bilang siya ang may kapasidad na magmonitor at magtaya ng ano mang ilegal na online activities, ang may pangunahing responsibilidad upang i-red flag, o supilin ang ano mang paglabag sa batas o gawaing kriminal ng Zun Yuan, o mga opisyales at tauhan nito,”ani Guo.
Nilinaw pa ng mayora na sakaling may reklamong ipinarating sa kanila ay palaging nakahanda ang kaniyang opisina at pulisya upang umaksiyon dahil iyon ang kanyang sinumpaang tungkulin.
Samantala, idiinin ni Guo na nananatili ang puso niya bilang Pilipino at taos ang puso sa paglilingkod sa kanyang mga kababayan sa Bamban.
“Uulitin ko na ako’y isang tunay na Pilipino… sa puso, sa isip at sa gawa. At sa aking mga kababayan na nagpamalas ng mainit na suporta ngayong nasa gitna ako ng kontrobersiya, maraming salamat po,” ayon kay Guo
Humingi rin siya ng paumanhin sa mga politiko at taong-gobyerno na naguguluhan sa kanyang mga sagot sa nagdaang Senate hearings.
OPISYAL NA PAHAYAG
Ni Mayor Alice L. Guo
Municipality of Bamban, Tarlac
WALA po akong kinalaman sa ilegal na operasyon ng POGO sa Baofu Compound na sakop ng aming munisipyo. At HINDI rin po ako espiya ng alinmang bansa kagaya ng ibinibintang, o kaya ay iniisip ng ilang politiko na misteryo sa aking pagkakakilanlan.
Sa aking mga kababayan sa munisipyo ng Bamban na nagmamahal at sumusuporta sa akin, at sa mga politiko na maagang humusga sa aking pagkatao ay alay ko po itong aking OPISYAL NA PAHAYAG para sa ikakapayapa ng kanilang kaisipan. At upang tiyakin sa kanila at sa buong sambayanan na ako po, si Alice L. Guo, na nahalal na alkalde ng bayan ng Bamban, lalawigan ng Tarlac ay isang tunay na Pilipino sa puso, sa isip at sa gawa.
SA ISYU NG POGO
Hindi po totoo na protektor o nasa likod ako ng ilegal na operasyon ng POGO sa aming bayan. Wala rin po akong natatanggap na ano mang report sa aming munisipyo tungkol po sa mga gawaing kriminal, o labag sa batas sa loob ng POGO hub na pinatatakbo ng lisensiyado ng PAGCOR na Zun Yuan Technology, Inc. bago ito sinalakay ng mga awtoridad kamakailan.
Ang pagkakaalam ko po ay mayroong opisina ang PAGCOR doon mismo sa loob ng POGO hub sa Baofu Compound upang subaybayan, bantayan at i-regulate ang takbo ng nasabing lisensiyadong POGO operator. Ang PAGCOR, bilang siya ang may kapasidad na magmonitor at magtaya ng ano mang ilegal na online activities, ang may pangunahing responsibilidad upang i-red flag, o supilin ang ano mang paglabag sa batas o gawaing kriminal ng Zun Yuan, o mga opisyales at tauhan nito.
Kung sakali pong may reklamong ipinarating sa aming kaalaman ay palagi pong nakahanda ang aming opisina at lokal na kapulisan upang umaksiyon. Kasi sinumpaang tungkulin po namin ‘yan sa aming mamamayan.
Bahagi po ng aking sinumpaang tungkulin ang pagkakaloob ng serbisyo sa mamamayan ng Bamban, kasama rito ang anomang lehitimong pangkabuhayan para sa aming nasasakupan ‘tulad ng maayos na trabaho, na siyang dahilan kung bakit ibinigay ko ang pahintulot ng lokal na pamahalaan para sa pagtayo ng negosyo ng Zun Yuan matapos magpakita ang nasabing kompanya ng dokumento na sila ay lisensiyado ng gobyerno-nasyunal sa pamamagitan ng PAGCOR. Mahigit 200 pamilya po sa aming maliit na munisipyo ang nagkaroon ng trabaho sa POGO hub, na kahit papaano’y medyo napag-aabot na nila ang mga pang-araw-araw na pangangailangan.
SA ISYU NG AKING PAGKAKAKILANLAN
Humihingi po ako ng paumanhin sa mga politiko at taong-gobyerno na naguguluhan sa aking mga sagot ng nagdaang Senate hearings. At patawad na rin po sa mga senador na pilit akong inuunawa at binibigyan ng pagkakataong ipakilala ang aking pagkatao – kagaya ng magulang, pinag-aralan at iba pang may kaugnayan sa aking identity o pagkakakilanlan, pero tila po ay nabigo silang marinig ang para sa kanila ay ang tumpak at makabuluhang tugon.
Ang katotohanan po ay halos blangko ang aking isipan tuwing haharap ako sa mga senador na umuungkat sa aking pagkatao at pagkakakilanlan. Hindi po sa kadahilanang wala akong maisagot, kundi sa hangad ko pong wag magsinungaling… na siyang pinag-ugatan ng aking tugon na “hindi ko po alam your honors.”
Posible po na para sa ibang tao ay simple lamang ang mga tanong sa akin ng mga senador na nangailangan ng simpleng sagot: Sino ang mga magulang mo? Saan ka lumaki? Saan ka nag-aral? At iba pa.
Na nang sinagot ko ng kulang o hindi raw tugma sa papel na hawak nila ay maaaring espiya ako ng ibang bansa. Na dapat kasuhan. Na dapat patalsikin sa pwesto. Na dapat ikulong kasi ang sagot ko ay hindi ang nais nilang marinig. Hindi ko po sila masisisi, kasi hindi naman po nila batid na ang kasagutan na kanilang inaasahan, na maaaring magbibigay sa kanila ng kapayapaan ng pag-iisip ay siya naman pong mga sagot na sasariwa sa sugat na nalikha sa aking kamusmusan.
Alang-alang sa aking mga kababayan na nagtitiwala at nagmamahal sa akin ay buong tapang ko pong sasabihin na ako po’y isang LOVE CHILD ng mahal kong ama sa aming kasambahay. Na ako po ay iniwan ng aking biological mother bata pa ako noon. At ako’y pinalaki at itinatago sa loob ng isang farm. Pinalaking matindi ang pag-iwas sa mga bagay na magbibigay sana sa akin ng pagkakakilanlan sa labas ng aming hog raising farm.
Iyan po ang mga kadahilanan na halos wala akong matandaang karanasan na nagmula sa isang normal na kamusmusan. Totoo po ang sinabi ko sa Senado na home tutoring lang po ang edukasyon ko. Na wala akong papel o diploma ng isang pormal na edukasyon kahit ano mang baitang. At totoo pong nalaman ko na lamang ang pangalan ng aking mother ng maiparehistro ang aking kapanganakan noong ako’y isang tinedyer na.
Traumatic po sa akin ang mga tanong sa Senate hearing tungkol sa aking pagkatao, kasi ‘yan po ang mga tanong na ayaw ko na pong mabuksan, na sana ay mayroon akong mga sagot na makapagpaparamdam sa akin na ako’y isang normal din na nilalang.
Ang pag-iwas ko rin pong magsinungaling sa aking mga sagot ay sanhi ng pagmamahal ko at pag-aalala sa mahal kong ama. Sa kanyang edad na 70 ay ayaw ko na pong makaladkad siya sa aking pinagdaraanan. Nangarap po ako at nagsikap para sa isang normal na buhay sa kabila ng kakulangan sa aking pagkakakilanlan. At hangad ko noon hanggang sa ngayon na maipagmalaki ako ng aking ama kahit anak nya ako sa labas ng matrimonya.
Pinalad po ako na mahalal bilang alkalde ng Bamban. Pero hindi pa rin maiwaksi sa aking puso at isipan ang pagnanais na matagpuan at makita ang tunay kong ina, at madama ang kanyang tunay na pag-aruga, dahilan upang pinagsumikapan kong hindi mabunyag sa kahit saanmang usapan ang kanyang ginawang pag-abandona sa akin. Lalo na po sa Senado na nakatuon ang mga mata ng buong bayan. Dahil naniniwala pa rin po akong magkakatagpo kami, sana, sa tamang panahon at hindi sa pagkakataong hinugot sa isang imbestigasyon.
Sana nga po ay lumitaw na ang tunay kong ina at kanyang akuin ang pagluwal sa akin upang matigil na po ang mga pagdududa na ako’y isang espiya.
Ang hindi pagiging perpekto ng aking pagkakilanlan ang siya ring dahilan kung bakit sa edad na 38 ay pinili ko na hindi na mag-asawa, at sa halip ay itinuon na lamang ang aking panahon at ang mga biyayang ipinagkaloob ng Diyos sa pagtulong sa kapwa, higit sa lahat ay sa aking mga kababayan sa Bamban na nagtiwala sa aking katapatan at kakayahan bilang ordinaryo at simple nilang lingkod-bayan.
Bilang pangwakas ay uulitin ko na ako’y isang tunay na Pilipino… sa puso, sa isip at sa gawa. At sa aking mga kababayan na nagpamalas ng mainit na suporta ngayong nasa gitna ako ng kontrobersiya… maraming salamat po.