“DON’T expect too much because I’m not perfect. But let me assure you, I would rather fail by trying to change things than fail by doing nothing.”
Ito ang pahayag ni Manila Mayor Francisco ‘Isko Moreno’ Domagoso sa pagbabagong ikinakasa sa Maynila na tila ‘Iskontagious” o nakakahawa dahil ginagaya na ng ibang mga lugar hindi lamang sa Metro Manila kundi maging sa Cebu dahil sa kanyang walang patid na paglilinis.
Mula nang maupo sa puwesto nitong Hulyo 1, 2019 ay tuloy-tuloy na ang ginagawang paglilinis ni Isko upang tuluyang maging maayos ang lungsod.
Sinimulan nito ang kampanya sa pagwawalis ng mga vendor sa isa sa pinakasikat na pamilihan at muling binuksan sa mga sasakyan ang kalsadang sinakop na ng mga nagtitinda tulad sa Divisoria, sumunod ang Quiapo, at maging ang mga nakahambalang na stalls ng mga vendor sa gilid ng Manila City Hall ay walang sabi-sabing binaklas din.
Dahil sa walang awat na paglilinis na ginagawa ni Isko sa Maynila, nagbigay na rin ito ng inspirasyon sa iba pang mga alkalde tulad nina bagong upong Pasig City Mayor Vico Sotto at San Juan City Mayor Francis Zamora, habang tila sumusunod na rin sa yapak ang lungsod ng Pasay. Maging ang Baclaran na dati ay tadtad ng vendors ay maluwag na rin sa trapiko dahil inalis ang mga illegal vendor.
Sa isang pulong, pinuri ni ALC Media Group Chairman D. Edgard Cabangon si Isko at sinabing tila ‘Iskontagious’ na ang ginagawa nito sa lungsod dahil lubhang nakakahawa sa ibang mga alkalde sa NCR ang sipag at political will nitong malinis ang Maynila.
“I’m sure the Manileños are very proud of you. Hindi nasayang ang boto ng tao sa pagluklok sa iyo sa puwesto. Iskontagious ka na Mayor Isko! Sana ay tuloy-tuloy lamang ang inyong sipag at dedikasyon at makakaasa po kayo sa aming suporta maging ng aming grupo,” wika ni Cabangon.
Naging kontrobersiyal lalo ang alkalde makaraang ibulgar na may nagtangkang manuhol sa kanya ng milyon-milyon hanggang milyong piso kada araw umano para lamang ipatigil ang paglilinis nito sa mga ilegal vendors sa Maynila.
‘Wala pa ‘kong ginagawa dahil ‘yung mga ginawa ko ay normal function lang ng isang mayor. Dugyot, libagin, banilin ngayon ang Maynila kaya literal na paliliguan naming ang Maynila,’ dagdag pa nito.
Umani rin ng papuri ang alkalde kasunod ng paghambalos ng maso at paggiba sa isang makeshift o itinayo lamang na barangay hall sa Binondo, Manila na ginawang barracks ng mga fire volunteer at itinayo sa likod ng estatwa ng bayaning si Ramon Ongpin at dahil nakaharang at nakaaabala ito sa daloy ng trapiko sa lugar.
Pinabaklas at pinalinis din ni Isko ang dugyot at napabayaan ng City Hall Underpass kung saan libo-libong mga commuters ang dumaraan.
Hindi rin pinalagpas ng alkalde ang pag-ihi at pananapak umano ng isang dayuhan sa isang opisyal ng barangay.
Sa ginawang panayam kay Isko matapos ang joint event ng Rotary Clubs of Manila and Pasay kung saan ay panauhin din ang dating alkade ng lungsod na si Alfredo S. Lim, sinabi ng alkalde na naging isang malaking tulong ang pagmumula niya sa isang mahirap na sektor ng Maynila kung kaya’t naiintindihan niya kung paano tugunan ang mga problema rito.
Kasabay nito ay pinasalamatan din nito ang publiko sa kanilang pagtanggap at pagkilala sa kanyang nasimulang pagbabalik ng parke at kalye sa mga Manileño.
Nangako si Isko na isasaaayos ang Manila Zoo at ang lahat ng mga ospital na pinangangasiwaan ng lokal na pamahalaan at binabalak nitong magkaroon ito ng mga state-of-the-art facility. PAUL ROLDAN, VERLIN RUIZ
Comments are closed.