MAYOR ISKO, NANGAKO NG PATULOY NA SUPORTA PARA SA BARMM

IPINANGAKO  ni Manila Mayor Isko Moreno Domagoso na patuloy na susuportahan ang Bangsamoro Govenment sakaling palarin siyang manalo sa pagkapangulo sa Mayo.

Ito ang mga naging kapahayagan ni Moreno sa kanyang naging courtesy call sa mga opisyales ng Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) transition government na pinamumunuan ni Interim Chief Minister Ahod “Al-hajj Murad” Ebrahim.

Ayon kay Moreno, isusulong niyang maipatupad na ang mga nakahaing batas para sa BARMM upang maipagpatuloy ang suporta ng gobyerno sa mga komunidad nito.

“Kumbaga, at least may commonality na nandyan na ‘yung batas, nagkaunawaan na, then let’s move forward to coming together, build back better, para ang lahat ng mga hangarin ay makamit naman kasi importante yung continuity program at yung mga nai-kompromiso ng mga bawat panig matupad. Especially sa parte ng gobyerno, sapagkat gobyerno naman ang naghain ng mga solusyon para sa gusto nating makamit na mapayapang komunidad,” sabi ni Moreno.

Maliban sa patuloy na pagsunod sa mga probisyon na itinakda sa Comprehensive Agreement on the Bangsamoro (CAB) at ang Bangsamoro Organic Law (BOL), nangako rin si Moreno ng karagdagang suporta na tutugon sa mga pangunahing pangangailangan ng mamamayan ng Bangsamoro.

“Sabi ko ‘on top of this law, on top of what you are wishing for, basta ako ang aasahan nila sa akin minimum basic needs, housing, education, hospital, jobs,’ sinabi ko ‘yun kay chairman,” dagdag ni Moreno.

Ayon sa Aksyon Demokratiko standard bearer, ito aniya ay isa sa pinaka-simpleng magagawa niya upang parangalan ang mga taong naghirap sa ilang dekada nang pakikibaka para sa hustisya at magandang kinabukasan ng mamamayang Bangsamoro.

“May awa ang Diyos, sisikat din ang araw sa ating lahat. Dahil kung hindi man napakinabangan ngayon lahat ng hinagpis, pagbuwis ng buhay, pagdanak ng dugo sa mga nagdaan, napakinabangan naman ‘yung inaasam na kapayapaan at kasaganahan ng kanilang salinlahi, mga anak at susunod na henerasyon,” ani Moreno.

Nagpasalamat din si Moreno sa pagpahayag ng suporta sa kanya ni Ibrahim, matapos siya nitong tawaging “Our incoming president” sa naganap na courtesy call.