MAYOR NG PASAY POSITIBO SA COVID-19

NAGPOSITIBO sa COVID-19 si Pasay City Mayor Emi Calixto-Rubiano na kasalukuyang sumasailalim sa self-quarantine.

Gayunpaman, nilinaw ng alkalde na kahit nagpositibo ito ay hindi maapektuhan ang serbisyo ng lokal na pamahalaan gayundin ang mga programa at proyekto ng lungsod na patuloy ang implementasyon .

“Inatasan ko ang lahat ng mga department head at iba pang opisyales ng local na pamahalaan upang masiguro na ang lahat ng programa, proyekto at serbisyo ay hindi maaapektuhan sa nangyari sa akin.

Patuloy ko pa ring gagampanan ang aking tungkulin sa pamamagitan ng teknolohiya tulad ng Zoom, Viber at telepono o kahit na sa ano pang komunikasyon,”ani Calixto-Rubiano.

Aniya, nahawahan siya ng COVID-19 matapos makahalubilo ang isang empleyado ng City hall kung kaya’t agad siyang nagpa-swab test kung saan nakumpirma ang kanyang pagkakahawa sa naturang virus.

“Natanggap ko ang resulta ng aking swab test nitong Pebrero 8 na nag-confirm na nagpositibo ako sa COVID-19,”anang alkalde..

Bagaman nagpositibo ang alkalde sa COVID-19 ay nasa stable condition naman ito habang nasa isolation.

Kasalukuyang ipinapatupad ang kaukulang health protocol at contact tracing sa mga direktang nagkaroon ng harapang pagkikita sa alkalde.

Sinabi ni Calixto-Rubiano na hindi namimili ang COVID-19 ng taong mahahawahan kung kaya’t huwag magpakakampante kundi ipagpatuloy ang pag-iingat. MARIVIC FERNANDEZ

Comments are closed.