MAYOR NG PASAY UNANG MAGPAPABAKUNA NG COVID-19

INIHAYAG ni Pasay City Mayor Emi Calixto-Rubiano nacpangungunahan niya ang pagtanggap ng unang dose ng AstraZeneca vaccine kapag nakarating na sa lungsod.

“Pumapayag ako na makatanggap ng unang bakuna ng AstraZeneca vaccine kapag ito ay nakarating na sa lungsod upang burahin sa isipan ng mga residente ang takot gayundin upang makuha ang kanilang tiwala na tayong lahat ay nangangailangan ng bakuna laban sa CO­VID-19 habang ito ay nandirito na,” ani Rubiano.

Kasabay ng pagpayag ng mayora na unang maturukan ng COVID-19 vaccine ay inihayag din nito na naghahanda na rin ang mga doctor at nurses kabilang ang ilang medical personnel para sa isang training para sa pagtuturok ng COVID-19 vaccine sa mga residente.

Ayon kay Calixto-Rubiano, pinulong na nito ang mga opisyales ng 201 barangay sa lungsod para makapagsagawa ng sensus at malaman kung ilan sa mga residente ang pumapayag na mabigyan ng COVID-19 vaccine.

Gayundin, naghahanap na rin ang lokal na pamahalaan ng isang malaking lugar upang maisagawa ang naturang pagpapabakuna kapag dumating na ang gamot sa lungsod.

Nakipagkasundo na noong Miyerlules ang lokal na pamahalaan sa isang British drug company na magbibigay ng 275,000 doses ng AstraZeneca vaccines upang maibakuna ng libre sa mga residente ng lungsod.

Ipinaliwanag din ni Calixto-Rubiano na pinili ng lokal na pamahalaan ang AstraZeneca kaysa sa ibang vaccines dahil mas mura ito na may mataas na efficacy at nangangailangan lamang ng simpleng pag-iingat. MARIVIC FERNANDEZ

Comments are closed.