KAPAG ang isang alkalde sa isang munisipalidad o siyudad ay singtibay ng dibdib ni Mayor Juliet Dano ng Sevilla, Bohol, tiyak na walang makakapamayagpag na mga ilegal na gawain sa kanilang lugar.
Ang bayan ng Sevilla ay isa rin sa matatawag na tourist spot sa Bohol, kung saan ito ay may 36 kilometrong layo mula sa province lone and capital city.
Bagamat hindi ko pa siya nakikilala at hindi ko pa nakikita ng personal, sa kwento pa lamang ng ilang residente sa kanilang lugar ay mamamalas ang kanyang magandang paglilingkod sa bayan.
Bigla ko tuloy naalala si Vice president Inday Sarah noong Mayor pa sya ng Davao. Astig din na mayor ito , kunsabagay hanggang ngayon naman, hindi siya plastic basta alam niyang nasa tama, kasehodang maimpluwensya pa ang kalaban niya.
Tunay na walang takot itong si Mayor Dano nang ipatanggal niya ang mga pipes at ibang mga istruktura na inilagay sa Bugwak Spring mula naman sa bayan ng Balilihan kung saan ito pala ay ilegal.
Ang water system ang syang nagsu-suplay ng tubig sa bayan ng Balilihan na malapit sa lugar ng Sevilla subalit nailagay ito ng walang pahintulot mula sa munisipalidad ng Sevilla.
Sino nga ba namang hindi magagalit aba’y bigla na lamang naglagay ng mga water equipment sa nasabing Bugwak Spring na sakop ng kanilang lugar nabg walang pasintabi.
Napakawalang respeto naman ng LGUs ng Balilihan kung saan hindi man lamang nakiraan sa bayan ng Sevilla. Kaya naman, gumawa ng isang resolution ang munisipalidad ng Sevilla na nagbibigay pahintulot sa alkalde na buwagin ang istruktura ng nasabing water system.
Napag-alaman na ang water system na nilagay sa Bugwak Spring ay hindi naman pala makikinabang ang mga residente sa nasabing bayan. Kaya minabuti nilang ‘wag bigyan ng pahintulot ang naturang proyekto ng Balilihan.
Bukod pa sa kanilang napag- alaman na dapat din umano na paimbestigahan ang patubig dahil minadali ito, kaya nakapag-operate kahit hindi dumaan sa tamang proseso.
Iba talaga ang mayor na may political will. May makakalaban man sya o may hindi makakagusto sa kanyang mga desisyon, pero ito naman ay nasa batas at tama.
Binibigyang katwiran niya ang nararapat kayat sinaluduhan siya hindi lang ng Konseho maging ang mga mamamayan sa kanilang bayan.
Kahanga-hanga talaga na pinaiiral ang batas at hustisya.
Ito ang nangyayati ngayon sa Bayan ng Sevilla na sa pamamagitan ng isang municipal resolution ay pinabaklas nito ang isang municipal water project ng katabing Bayan.
Malaki ang paniniwala ni Mayor Dano na kailangan munang ilagay sa tamang proseso ang nasabing water system upang hindi naman makaperwisyo sa kanilang lugar.
Dahil sa ipinakitang tapang at katatagan ni Mayor Dano, masasabi natin na ang Pilipinas ay hindi nagkulang ng mga pinuno na may malasakit, tapat sa tungkulin, serbisyo sa kanyang mga nasasakupan at determinasyon na ipaglaban ang tama, wasto at nasa batas.