QUEZON – IPINALABAS na ng Ombudsman ang Preventive Suspension kay Tayabas City Mayor Ma. Lourdes Lovely Reynoso-Pontioso nitong Miyerkules, Disyembre 18 hinggil sa maanolmalya umanong pagbili ng LGU ng mga heavy equipment na nagkakahalaga ng nasa P150 milyon.
Matatandaang una nang inimbestigahan sa Kamara ang pagbili nila Mayor Pontioso ng P150 milyong heavy equipment kung saan nagkaroon ng inquiry hearing tungkol sa dito.
Sa ipinalabas na preventive suspension ng Ombudsman laban kay Mayor Pontioso kasama nito ang ilang LGU officials na nasuspendido ng hindi bababa sa anim na buwan.
Nakapaloob sa reklamo at demanda ay ang hindi maipaliwanag na halaga ng mga heavy equipment na inutang sa bangko ng punong lunsod ng ilang konsehal at iba pang sangay at ahensya ng nasabing siyudad na lumagda at sumangayon sa mga dokumento sa pagbili ng mga nasabing kagamitan.
Bukod dito, hindi rin umano maipaliwanag ng mga opisyales kung nasaan ang ibang heavy equipment na binili ng LGU dahil kulang umano ang bilang ng mga ito sa pinaglalagyang motorpool na pag-aari ng LGU.
Si Pontioso ang naging kapalit ng kanyang yumaong ina na si Mayor Aida Agpi Reynoso ng Tayabas City na noon ay Vice Mayor nang mamatay sa sakit ang kanyang ina at pumalit naman sa kanyang posisyon ang nangungunang konsehal na si Vice Mayor Rosauro Dalida na ngayon ang siyang tatayo na munang Mayor ng Tayabas City dahil sa preventive suspension kay Pontioso.
Si Mayor Pontioso ng unang distrito ng Quezon ang ikatlong alkalde na nasuspinde sa lalawigan kung saan unang sinuspende ng Sangguniang Panglalawigan ng Quezon si Infanta Mayor Filipina Grace America ng 1st Dist.ng Quezon at pangalawa si General Luna Mayor Erwin Matt Florido ng 3rd Dist.ng Quezon nitong nakalipas na buwan.
BONG RIVERA