Si Ate Sarah (nakapula) habang nag-aasikaso ng mga ipamimigay na ayuda sa mga naapektuhan ng bagyong Kristine.
Nahigitan umano ng mayoralty aspirant na si Sarah Discaya si Mayor Vico Sotto sa pagtugon sa epekto ng Typhoon Kristine matapos makita ang kanya-kanyang disaster response sa lungsod ng Pasig.
Pahayag ito ni Ram Cruz, ang co-convenor ng advocacy group na Kilos Pasig, base sa kanilang monitoring sa mga tumutulong sa libo-libong pamilya na naapektuhan nitong nagdaang bagyo.
Si Cruz at ang advocacy group nyang Kilos Pasig ay masugid na taga-suporta ni Sotto noon pang 2019 nang una siyang umupong alkalde ng lungsod.
Ngayong paparating na May 2025 mid-term elections ay mariing sinusuri ng grupo ni Cruz, na kinabibilangan ng iba’t ibang sektor, ang mga ginagawa at mga proyekto ng pamahalaang lungsod sa pamamahala ni Sotto, upang tuusin kung alin-alin ang mga natupad nitong pangako sa mga Pasigueño.
Mariin ding sinusubaybayan ng Kilos Pasig ang pagkilos ng makakatunggali ni Sotto na si Sarah Discaya kung katanggap-tanggap itong lingkod-bayan at kung tapat sa gawaing pagtulong noon pa man sa mga kapos-palad na taga-Pasig.
“Kahapong umaga lamang, habang tulog pa si mayor, ay nagpunta sa ilang evacuation centers si Discaya tulad ng Stella Maris, Barangay Maybunga Bliss, at Barangay Pinagbuhatan upang mamigay ng mga grocery, food packs, at ready-to-eat food galing sa “Kusina ni Ate Sarah” para sa mga nasalanta ng bagyo,” pahayag ni Cruz ayon sa monitor ng Kilos Pasig.
Ang naturang programa ay nangyari umano mula umaga hanggang hapon habang nag-iikot ang Ate Sarah mobile kitchen sa buong Pasig para mabigyan ng pagkain at malinis na tubig ang mga nasalanta.
Pinasalamatan din umano ni Discaya ang mga volunteer sa pagtulong sa mga biktima ng bagyo sa iba’t ibang barangay ng lungsod.
“Kahit walang pasok kahapon dahil Signal No. 2 ang Metro Manila ay pumasok sila para tumulong at mag volunteer sa pag-repack ng mga relief goods,” ayon sa ulat na ipinarating sa Kilos Pasig.
Sa isang Facebook video na inupload naman ng netizen na si Steve ay bulto-butong umanong mga food at grocery packs pati na wheelchairs na galing kina Discaya ang nakitang inihahanda bago pa nanalasa ang bagyo upang maipaabot at maibigay sa mga evacuees na Pasigueños.
“Alagang Ate Sarah, Kuya Curlee para sa Pasigueño sa patuloy na pag repack ng relief goods para sa mga nabaha nating mga kababayan sa Pasig. Kaya po antabayanan na lang po sa inyong lugar ang agarang paghatid tulong ni Ate Sarah at Kuya Curlee,” sabi ni Steve sa kanyang Facebook post.
Sa kabilang banda naman ay naipost ng Pasig Information Office ang umano’y pag-inspection at pagkaway-kaway ni Mayor Sotto sa mga evacuation centers ng lungsod upang makapaghanda umano sa pagtama ng bagyo.
Dagdag pa ng Pasig City Facebook page na inikot-ikot umano ng alkalde ang paghahanda ng mga barangay officials sa posibleng kalamidad na dulot ng bagyong Kristine.
Pinayuhan din ni Sotto ang mga Pasigueño na laging bitbitin ang kanilang mga Pasig Go Bag sa oras na kinakailangan nilang lumikas, pero wala umano itong maisagot sa mga pangangailangan ng Pasigueñong mailagay sa evacuation bag.
May mga puna pang naiparating sa Kilos Pasig ay hindi umano naramdaman ang materyal na tulong ni Sotto kasi panay lang ang ikot-ikot nito at kaway-kaway sa kasagsagan ng masamang panahon.
Base sa DTI 2024 Rankings of Highly Urbanized Cities under the Cities and Municipalities Competitive Index, mula sa 4th place nito noong 2019 ay bumaba sa 10th place ang Pasig sa kategoryang government efficiency na tumutukoy sa kalidad at maaasahang government services at support. Mula naman sa 10th place ay naging 12th place ang lungsod sa resiliency category.
Ginamit din ng netizens ang social media bilang daan upang tawagin ang pansin ng Pasig local government unit upang maipaabot ang mensahe ng pangangailangan ng rescuers sa kasagsagan ng bagyo.
Makikita ang pagtawag ng netizens sa Pasig LGU na magpadala ng service vehicles sa iba’t ibang bahagi ng Pasig para sa mga stranded na pasahero, pero walang agarang tugon.
Ayon sa Kilos Paaig ay nauna nang nagpadala ng coaster buses at trucks si Discaya kasama ang kanilang fire and rescue volunteers upang sunduin at tulungan ang mga stranded passengers mula Pasig palengke area, Shaw boulevard, A. Mabini Street, Meralco avenue, Caruncho avenue, Urbano Velasco avenue, San Aguatin avenue at kalye Eusebio papuntang Pinagbuhatan.
Sa talaan na nakuha ng Kilos Pasig mula sa charity foundation ng mga Discaya ay umabot sa kabuohang 1,267 pamilya, o 4,680 Pasigueños ng 17 sa 30 barangays ng lungsod ang naabot ng ayudang bigas at grocery items mula sa pamilya Discaya sa loob lamang ng higit isang araw nilang disaster response.