MAYORS BINIGYAN NG 2 BUWAN PARA LINISIN ANG KALSADA

Secretary-Eduardo-Año

BINIBIGYAN lamang ng Department of the Interiors and Local Government (DILG) ang mga alkalde hanggang sa Setyembre para alisin ang lahat ng balakid sa mga kalsada.

Giit ni DILG Sec Eduardo Año, dapat na matanggal ng mabilis ang mga vendor, basketball courts at maging ang mga barangay hall at presinto ng pulis sa lahat ng mga public road.

Tutukan ito ng DILG kasunod na rin ng naging kautusan ni Pangulong Rodrigo Duterte sa kanyang State of the Nation Address (SONA) na bawiin ang public roads upang mapaluwag ang daloy ng trapiko.

Kahapon ay nagpulong ang Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) at Metro Manila Council (MMC) upang agad na maaksiyunan ang matin­ding problema ng trapiko sa Kalakhang Maynila.

Dito iminungkahi ni DILG Undersecretary Epimaco Densing III na magkaroon ng imbentaryo sa  lahat ng pampublikong lan-sangan sa kanilang nasasakupan ang mga alkalde ng Metro Manila.

Pinagsusumite rin ng  rekomendasyon sa Konseho ang mga alkalde na rebisahin at amyendahan ang kanilang mga traffic ma­nagement ordinances lalo na ang pagpapahintulot sa paglalagay ng mga istruktura sa bangketa upang tuluyan nang maalis ang mga nakahambalang sa kalsada.

Kaugnay nito, inirekomenda naman ni MMDA Chairman Danilo Lim sa mga alkalde na umpisahan ang pagbabawal sa pagpaparada at paglalagay ng mga ilegal na istruktura sa mga national road at 17 Mabuhay Lane routes bago isakatuparan ang natur-ang pagbabawal sa mga alternatibong ruta.

Ayon naman sa mga alkade, kanila nang si­nimulan ang paglilinis sa mga pangunahing kalsada sa kanilang mga lugar na nasasakupan. Iniulat ni San Juan City Mayor Francis Zamora na kanya nang ipinagbawal simula  kahapon ang pagpaparada ng sasakyan sa palibot ng kalsada sa Greenhills.

Matatandaan na sa SONA  ni Duterte nagbanta itong  suspendihin ang mga alkaldeng papalag sa utos na pagbawi ng DILG sa public roads.     MARIVIC FERNANDEZ

Comments are closed.