MAGTATAKDA ang Metro Manila Council (MMC) ng guidelines para sa selebrasyon ng All Saint’s Day at All Soul’s Day kahit idineklarang sarado ang mga sementeryo, memorial parks at columbarium sa buong bansa mula Oktubre 29 hanggang Nobyembre 4 bilang pag-iingat sa pagkalat ng COVID-19.
Ayon kay Paranaque City Mayor at MMC Chairman Edwin Olivarez, ito ang napagkasunduan ng mga alkalde dahil na rin sa inaasahang maagang pagtungo ng publiko sa mga nasabing lugar upang gunitain ang kanilang mga namayapang mahal sa buhay sa panahon ng Undas.
Ani Olivarez, magtatalaga ng mga security personnel at marshal sa mga sementeryo sa lungsod upang matulungan ang mga pulis sa pag-iimplementa ng augment physical distancing at abisuhan na rin ang publiko na sumunod sa 30 porsiyentong kapasidad na ipinapatupad ng gobyerno.
“Mayroon po tayong mga marshals at ang PNP na magpapatupad ng physical distancing protocols at maiwasan ang pagtitipon-tipon sa loob ng sementeryo bago pa man ipatupad ang pagsasara ng mga memorial parks at columbariums sa Undas,” ani Olivarez.
Dagdag pa ni Olivarez, nagkaisa rin ang metro mayors na payagan na rin ang pagtitinda ng bulaklak na malapit sa mga sementeryo bago pa man isara ang mga nabanggit na lugar.
“Yung mga nagtitinda ng bulaklak ia-arrange po ng LGU, makakapagtinda po sila doon prior at after (Undas) para hindi sila mawalan ng hanapbuhay at gagawin na po orderly ang pagtitinda ng bulaklak,” giit ni Olivarez. MARIVIC FERNANDEZ
Comments are closed.