INIHIRIT ng liderato ng League of Municipalities of the Philippines (LMP) ang pakikipagpulong kay Pangulong Rodrigo Duterte para pakiusapan hinggil sa kaso ng mga hininalang narco-mayors.
Kasunod na rin ito ng magkasunod na insidente ng pamamaslang kina Tanauan City, Batangas Mayor Antonio Halili at General Tinio, Nueva Ecija Mayor Ferdinand Bote.
Ayon kay Socorro, Oriental Mindoro Mayor Marife Brondial, chairman ng LMP National, labis nilang ikinalulungkot ang karumal-dumal na pagpatay sa dalawang alkalde.
Pag-amin ni Brondial, hindi na rin maiwasan ng ibang mga alkalde na mangamba sa kanilang buhay kasunod ng mga pangyayari na aniya’y nagpapatunay ng kawalan na ng takot at respeto sa buhay ang mga kriminal.
Iginiit ni Brondial, hindi tamang patayin na lamang basta-basta ang mga mayor na masasangkot sa ilegal na gawain gayung may legal na proseso para mapanagot ang mga ito.
Patuloy naman ang pakikipag-ugnayan ng liga sa Department of Interior and Local Government (DILG) at Philippine National Police (PNP) para sa seguridad ng mga alkalde sa buong bansa lalo na ang mga tinanggalan ng police power matapos mapabilang sa narco list.
Samantala, inihayag ni DILG officer-in-charge Secretary Eduardo Año, na naabisuhan na ang concerned mayors at government officials na kabilang sila sa narco list ni Pangulong Rodrigo Duterte kaya tinanggalan na ang mga ito ng police power.
Aminado si Año na bilang alkalde lalo na kung sangkot sa ilegal na droga ay marami talagang nagpaplano ng masama sa mga ito.
Inihayag nito na apat na alkalde na ang napatay na nasa narco list pero ang iba rito ay mga sensational case.
Kabilang sa mga ito ay sina Mayor Reynaldo Parojinog, Mayor Rolando Espinosa ng Albuera, Leyte at Mayor Samsudin Dimaupon ng Datu Saudi, Ampatuan.
Hinimok ng kalihim ang mga alkalde at government officials na makipag-ugnayan sa PNP at Philippine Drug Enforcement Agency at sabihin kung may banta silang natatanggap upang pag-aralan ang kanilang kaso subalit case to case basis ito.
Naniniwala si Año na may paraan para maiwasan ang kaso ng patayan at ito ay sa pakikipagtulungan ng mga alkalde sa mga awtoridad.
May 1,300 mayors sa buong bansa, 10 rito ang napatay, tatlo ang sinasabing sangkot sa illegal drugs, dalawa ay dahil sa personal na alitan at apat ay bunsod ng political rivalry o rido. DWIZ882, VERLIN RUIZ
Comments are closed.