MAS pabor ang Metro Manila Council (MMC) sa pagdaragdag ng pampublikong transportasyon kaysa sa pagbabawas ng isang metrong layo ng social distancing.
Ito ang inihayag ni Paranaque City Mayor Edwin Olivarez sa ginanap na Kapihan via zoom webinar na kung saan sang-ayon ang MMC sa paunti-unting dagdag ng pampublikong transportasyon sa Metro Manila upang hindi nalalagay sa alanganin ang health protocols.
Subalit, ang ipatutupad na pagbabawas ng agwat mula isang metro ang layo, pinababa ng .75 metro na lamang ang social distancing sa mga pasahero ay hindi tumutugma sa pinaiiral na health protocol ng Inter-Agency Task Force (IATF).
“Ang ilan sa ating mga jeepeney drivers ay namamalimos na lamang sa kalsada, so bakit hindi na lang payagan ang mga ito na mag-operate na may kaukulang isang metrong distansya sa social distancing. Isang malaking ‘HINDI’ para sa MMC ang pagbabawas ng agwat para sa physical distancing ng hanggang .75 metro na lamang at makaraan ang dalawang linggo ay gagawin na .5 metro at sa ikatlong linggo na nagdaan ay gagawin namang .3 metro na lamang ang layo sa bawat,” ani Olivarez.
Ipinaliwanag ni Olivarez na ang pagbubukas ng mga karagdagang ruta ng mga operator na bumibiyahe sa mga pangunahing kalsada ay makakatulong sa pag-angat ng ekonomiya gayundin sa pamilya ng mga drayber na namamasada sa panahon ng pandemya.
Sinabi pa nito, habang nagsisimula nang nakikita ang pag-flatten ng curve ng COVID-19 sa ating bansa, hindi ikokompormiso ng MMC ang kalusugan at kaligtasan ng mga tao sa pamamagitan ng pagbabawas ng agwat para sa social distancing sa mga pampublikong transportasyon. MARIVIC FERNANDEZ
Comments are closed.