MAYORS PINALULUWAGAN NA ANG LOCKDOWN RESTRICTIONS

Edwin Olivarez

IPINANUKALA  ng Metro Manila mayors na luwagan na ang lockdown restrictions  pagtapos ng Mayo 31.

Para kay  Metro Manila Council (MMC) Chairman at Parañaque City Mayor Edwin Olivarez, handa na ang Metro Manila na sumailalim sa general community quarantine (GCQ).

Ito ay base sa ulat ng  City Health Offices (CHO) na halos nafa-flatten o bumababa na ang naitatalang kaso ng virus sa mga lungsod sa nakalipas na 10 araw.

Makatutulong din aniya ang pagpapaluwag sa quarantine restrictions para mabuksan ang ekonomiya.

Pabor din sina Navotas Mayor Toby Tiangco  at Valenzuela City Mayor Rex Gatchalian na luwagan ang quarantine habang si San Juan City Mayor Francis Zamora ay pabor na palawigin pa ng dalawang linggo ang Modified Enhanced Community Quarantine (MECQ) para makita kung napanatili  ang pagbaba ng kaso ng  COVID-19.

Nakatakdang pag-usapan sa Miyerkoles  ng Metro Manila Council ang pagbuo ng rekomendasyon hinggil sa posibleng pagpapaluwag o pagpapanatili ng MECQ.

Samantala, pabor din ang ilang senador na luwagan  na ang quarantine sa Metro Manila at iba pang lugar sa bansa.

Suportado ni  Senador Panfilo Lacson ang planong payagan na ang partial na operasyon ng ilang business activities.

Ito ay basta’t matitiyak ang mahigpit na pagpapatupad ng mga kinauukulang health protocols tulad ng physical distancing.

Tiwala naman si Senador Sherwin Gatchalian na nakapaghanda na ang publiko sa pamamagitan ng MECQ. PILIPINO MIRROR  Reportorial Team

Comments are closed.