MAYORYA NG PINOY PABOR SA PAGPAPAKULONG SA MINORS

CHILD JAILED

PUMAPABOR  ang maraming Filipino  na makulong ang mga menor de edad na sangkot sa krimen.

Sa pag-aaral ng Social Weather Stations (SWS),  mas nakararaming Filipino ang nagsasabing pabor sila sa pagpapakulong sa mga menor de edad na may edad na kinse anyos subalit batay ito sa ilang kaso lamang gaya ng murder, rape at drugs.

Base sa dalawang opinion polls na ginawa ng SWS noong buwan ng Hulyo at Disyembre bago isabatas ang Juvenile Delinquent Act ay lumilitaw na  63 porsiyento ng mga Pinoy ay pabor habang  22 porsiyento   naman ang tutol na makulong ang mga menor de edad na nahaharap sa kasong rape.

May 59 porsiyento naman ng mga tinanong ang nagsasabing pabor silang ikulong ang mga menor de edad dahil sa kasong pagpatay habang 24 bahagdan ang nagsasabing tutol sila.

Kalahating porsiyento rin ng mamamayan o 49 porsiyento  ang pabor sa pagpapakulong sa menor de edad na nagsisilbing mga drug courier habang malapit sa 35 porsiyento naman ang salungat sa nasabing ideya.

Kamakailan ay naging mainit na usapin kung kaila­ngan bang ibaba sa siyam na taon hanggang 12 taon ang edad para papanagutin sila sa kanilang social and  criminal liability.

Ibinase ng SWS sa edad na 15 ang kanilang pag-aaral sa may 1,500 respondents.

Ang nasabing  survey ay kinomisyon ng  European Union at Spanish government, at isinumite sa Commission on Human Rights.(CHR).

Una nang isinulong sa Kongreso na ibaba sa si­yam na taon ang minimum age ng  pagkakaroon ng criminal responsibility mula sa kasalukuyang 15 taon bagama’t inaprubahan nila ito sa 12 taon sa kanilang huli at pinal na pagtalakay.

Maging ang Defense Department ay nais ding magsagawa ng pag-aaral at idulog sa Kongreso  kung dapat bang baguhin ang minimum age para panagutin ang mga kabataang nagkasala sa batas.

“Ito ay dahil may mga criminal group na gumagamit ng mga menor de edad ma­ging sa terorismo, rebelyon at terorismo at sila ay  tinatawag na mga  child warrior,” ayon kay Defense Secretary Delfin Lorenzana.        VERLIN RUIZ