ISANG patotoo na naman ang kapalaran ni Mary Jane Veloso na mayroong himala mula sa Poong Maykapal.
Minsan nang pumila sa death row si MJ at sa “himala” ay hindi ito natuloy.
Isang malaking himala ito dahil kauna-unahang pagkakataon na ang mga nasa death row ay napauwi pa sa bansa.
Hindi namin gino-glorify si Mary Jane dahil convicted siya sa korte ng Indonesia bilang drug mule.
Ang labis na kahanga-hanga ay ang pagpapalang pumayag ang Indonesian government na sa Pilipinas na lamang niya ipagpatuloy ang sentensiya.
Nang payagan ng Indonesian government na ilipat ang kustododiya ni Mary Jane sa Pilipinas, burado na ang sentensiya nitong kamatayan.
Dito sa Pilipinas, patuloy pa rin ang apela na mapatawad siya sa kanyang kasalanan.
Bukod sa Maykapal na “kumilos” sa kapalaran ni Mary Jane, nais din naming palakpakan at purihin ang magandang relasyon ng Pilipinas at Indonesia.
Dahil sa bilateral relations ng dalawang bansa kung kaya naiba ang kapalaran ni Mary Jane.
Sa ngayon, huwag na sanang abusuhin pa ang magandang fortune ni Mary Jane, alalahanin ang bigat na naging kaso niya.
Gayunpaman, tapos na ang yugtong iyon at ngayon naganap ang hangad ng pamilya Veloso na makaligtas sa kamatayan si Mary Jane at dapat pasalamatan iyon.
Paalala rin ito na mayroong hindi nakikitang Diyos na maaaring mabago ang lahat patungo sa kabutihan.
May himala!