(MC taxi rider, pasahero binangga) SUV DRIVER KINASUHAN NG ATTEMPTED MURDER

ARESTADO ang SUV driver na bumangga sa motorcycle taxi driver at pasahero nito na nag-viral sa road rage sa Mandaluyong City.

Naghaharap sa kasong attempted murder ang SUV driver na inaresto ng Mandaluyong City Police Office sa pinakabagong insidente ng road rage.

Ayon kay Eastern Police District Asue (EPD) Director BGen. Wilson Asueta, natunton at inaresto ang driver na si Pedro Magalit, 53-anyos.

Inihahanda na ang kaso laban sa SUV driver matapos makita sa viral video ang sadyang pagbangga nito sa motorcycle taxi na nagresulta sa pagkasugat ng driver at pasahero nito.

Nangyari ang insidente nitong Nobyembre 22 ng umaga habang binabaybay ng motorcycle taxi ang southbound lane ng EDSA Santolan sa Mandaluyong City nang bigla itong banggain ng kulay orange na SUV.

Nang sumemplang ang MC taxi rider at pasahero ay tumakas ang SUV.

Una nang nag-alok ng pabuya ang ride hailing company sa sinumang makapagtuturo sa kinaroroonan ng suspek na nadakip agad ng pulisya

Maghahain din ng kaso ang kumpanya ng MC taxi dahil sa ginawa ng SUV driver sa kanilang tauhan na marangal lamang na nagtatrabaho

Nakalabas na ng Mandaluyong City Hospital ang motorcycle taxi driver habang naka-confine pa sa hiwalay na ospital sa Pasig City ang babaeng pasahero nito.
EUNICE CELARIO