MEASLES OUTBREAK AABOT NG HUNYO

MEASLES OUTBREAK

PINANGANGAMBAHANG umabot pa ng hanggang sa buwan ng Hunyo ang measles outbreak sa Metro Manila at ilang mga lugar.

Sa pahayag ni  Dr. Mario Panaligan, presidente ng Philippine Society for Microbiology and Infectious Diseases (PSMID), lumalabas sa mga record na tumataas ang bilang ng kaso ng tigdas sa pagtaas ng temperatura ng panahon dahil maraming tao ang nakakasalamuha sa  mga kalsada.

Hinikayat ni Panaligan ang publiko  na pabakunahan ang kanilang mga anak upang maiiwas sa panganib ng komplikasyon ng tigdas.

Sa huling tala ng Department of Health (DOH), nasa 70  na ang bilang ng nasawi sa tigdas mula Enero hanggang ngayong Pebrero.

Mismong  ang Pangulong Rodrigo Duterte ang nanawagan sa mga magulang na pabakunahan ang mga anak upang malabanan ang tigdas.

Tumaas ang kaso ng tigdas matapos na magdala ng takot ang mga magulang na pabakunahan ang mga anak dahil sa Dengvaxia vaccine controversy. ELMA MORALES

Comments are closed.