MEAT DEALER, 2 PA TIMBOG SA DROGA

LAGUNA-BUMAGSAK sa kamay ng mga awtoridad ang meat dealer na matagal na umanong nagbebenta ng droga sa mga jeepney driver at mga pahinante ng mga cargo truck na bumibiyahe sa Calamba City ng nasabing lalawigan.

Sa report ni Lt Col. Arnel Pagulayan, Calamba police chief kay PNP Regional Director General Antonio Yarra, nakilala ang suspek na si Victoria Martinez, 54-anyos, may asawa at residente ng Barangay Pansol ng naturang lungsod.

Nakuha sa bag ni Martinez ang 6 na sachets ng shabu na may street value na P6,500 at mga paraphernalia.

Ayon kay Pagulayan, si Martinez ang source ng shabu sa Barangay Pansol at matagal umano itong lumipat ng lugar para maikubli ang ilegal niyang transaksyon.

Samantala, dalawang notorious drug pushers ang magkasunod na nasakote ng mga pulis matapos na bentahan ng mga ito ang poseur buyer kahapon ng umaga sa Barangay Duhat, Sta Cruz Laguna at sa Barangay Landayan, San Pedro City.

Kinilala nina Lt Col. Paterno Domondon Jr., Sta Cruz police chief ang mga suspek na sina Reynaldo Samonteza, 43-anyos, may asawa na residente ng Brgy. Duhat at Luisito Vicuna, 36-anyos at nakatira sa Barangay Landayan, San Pedro City.

Nasamsam kina Samonteza at Vicuna ang mahigit 14 gramo ng shabu na nagkakahalaga ng mahigit sa P20,000.00.

Kasalukuyang nakakulong sa Laguna Custodial Center ang tatlo at inihahanda na ang kasong kriminal sa mga ito. ARMAN CAMBE