NAGBABALA ang Department of Trade and Industry (DTI) na ipasasara ang mga tindahang magbebenta na mataas na presyo ng karne ng baboy at manok.
Ayon kay Trade and industry Secretary Ramon Lopez, nagbaba na ang presyo sa mga farm gate kung kaya’t dapat mababa na rin ang presyo ng mga ito sa merkado.
Sinabi pa ni Lopez, nagpulong na ang DTI at Department of Agriculture (DA) sa mga wet vendor para ipaalala sa kanila ang mahigpit na pagbabantay sa presyuhan ng mga agrikultural na produkto.
Nauna rito, humingi ng kooperasyon ang pamahalaan sa mga nagtitinda ng karne na makipagtulungan sa pagpapababa ng presyo ng mga produktong agrikultural lalo na ng mga karne sa mga pamilihan.
“If they will not bring the prices down, we start issuing the Notice of Violation. First, [we will issue] letter of inquiry. If prices are still not moving, then we issue Notice of Violation. Or we can even close their stores, and that’s the last resort,” giit pa ni Lopez.
Binigyang diin pa nito, ang presyo ng manok sa mga farm gate ngayon ay naglalaro mula sa P80 hanggang P90 at dapat na maibenta sa mga pamilihan sa halagang P130 subalit nitong nakaraang dalawang araw ay umakyat ang presyo nito sa P150 sa mga pamilihan.
Kaya’t iginiit ni Lopez, dapat sabihan ng mga retailer ang kanilang middleman na magbaba ng presyo.
“Our very last resort is we will open our own stores in wet markets with lower prices,” ani Lopez at sinabing sa mga farmer at growers mismo manggagaling ang kanilang produkto. LYKA NAVARROSA
Comments are closed.