INAMIN ng Philippine National Police (PNP) na hindi pa makakasama ang kanilang medical frontliner sa pagsisimula ng booster shots rollout ng pamahalaan.
Kahapon ay sinimulan ng Department of Health (DOH) ang pagbibigay ng COVID-19 booster shots sa mga medical frontliners.
Aypn kay PNP Deputy Chief for Administration (TDCA) at ASCOTF Commander Lt.Gen. Joselito Vera Cruz, naghihintay pa sila ng direktiba sa DOH hinggil sa pagbibigay ng booster shots sa kanilang mga medical frontliners.
Sa sandaling aniyang may guidance sa kanila, agad sila magre-request ng vaccine allocation para sa booster shots ng kanilang mga medical frontliners sa buong bansa.
”Still waiting for formal guidance pa kami so we can also request for vaccine allocation for the booster shots,” ayon kay Vera-Cruz.
Umaasa ang pamunuan ng PNP ASCOTF na mabibigyan na rin sila ng booster allocation ng pamahalaan.
Samantala, una nang sinabi ng DOH na ang mga fully vaccinated healthcare workers na nais makakuha ng booster shot ay maaaring pumili ng kanilang nais na COVID-19 brand.
Sa ilalim ng DOH Memorandum 2021-0484, mga health care workers ay mayruong option na makatanggap ng homologous o heterologous booster dose depende sa availability ng vaccine brands sa mga vaccination site.
Ang homologous dose ay ang pag-administer ng vaccine mula sa kaparehong brand para makumpleto ang primary vaccine series habang ang heterologous dose ay ang paggamit ng vaccine mula sa ibang brand. EUNICE CELARIO