MED GRADS PATUTULUNGIN SA DOH

DOH-4

BUNSOD ng kakulangan ng health workers, pinag-aaralan na ng Department of Health (DOH) na kunin ang serbisyo ng mga medical graduates upang makatuwang nila sa pagsugpo ng  tumataas na kaso ng coronavirus disease 2019 (COVID-19) sa bansa.

Ang pahayag ay ginawa ni Health Secretary Francisco Duque III, kasunos ng panukala ni Senador Francis Tolentino na payagan ng DOH at Pro-fessional Regulation Commission (PRC) ang mga nagsipagtapos ng medisina na makapag-practice ng kanilang propesyon, kahit hindi pa nakakapasa sa licensure examination.

Ayon kay Tolentino, batay sa Section 12 ng Republic Act 2382 o Medical Act of 1959,  sa panahon ng pandemic o national emergencies ay maaaring magserbisyo ang mga medical students na nakatapos ng apat na taon ng kursong medisina, medicine graduates, at registered nurses.

Kinakailangan lamang umano ng mga ito ng awtorisasyon mula sa kalihim ng DOH.

Ayon naman kay Duque, maganda ang mungkahi ng senador.

Sa ngayon aniya ay pinag-aaralan na nila ang mga probisyon sa batas para maipatupad ito sa lalong madaling panahon.

Nauna rito, inamin ni Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire na ilang pagamutan na ang nakakaranas ng kakulangan sa health workers dahil ilan sa kanila ang nalantad sa virus at kinailangang mag-quarantine.

Noong Marso 8 at 9 naman ay nasa humigit kumulang 1,500 fresh medical graduates ang kumuha ng Physician Licensure Examination sa PRC.

Ang nakatakdang eksaminasyon naman noong Marso 15 at 16 ay hindi natuloy dahil sa pagpapatupad ng enhanced community quarantine sa Luzon. ANA ROSARIO HERNANDEZ

Comments are closed.