MEDIA AND INFORMATION LITERACY PROJECT NG PRESIDENTIAL COMMUNICATIONS OFFICE

MAS pinaigting pa ng Presidential Communication Office (PCO) ang kampanya laban sa fake news.

Kamakailan kasi, pinangunahan ng PCO ang paglulunsad ng Media and Information Literacy (MIL) Project ng pamahalaang Marcos sa pamamagitan ng nilagdaang Memorandum of Understanding, kasama ang ilang ahensya ng gobyerno.

Mismong si PCO Secretary Cheloy Velicaria-Garafil ang nanguna sa PCO sa ceremonial signing ng MOU, kasama ang Department of Education (DepEd), Commission on Higher Education (CHED), Department of the Interior and Local Government (DILG), at Department of Social Welfare and Development (DSWD) sa lungsod ng Pasay.

Isa nga naman sa mga hamon na kinakaharap ng administrasyon ang paglaban sa mga pekeng balita.

Namamayagpag ito sa social media kung saan madalas mabiktima ang ilang ahensya at kahit ang Malakanyang.

Kaya ipinupursige ng pamahalaan ang kampanyang ito. Ang misyon ng PCO at iba pang ahensya ay bigyang kapangyarihan o i-empower ang lahat hinggil sa usaping ito.

Sabi nga kalihim, ito ay maituturing na whole-of-nation approach at whole-of-society commitment.

Ayon sa PCO chief, ang paglulunsad ng kampanya ay isang nagkakaisang hakbangin ng administrasyong Marcos at digital media industry laban sa misinformation at disinformation.

Madali na nga namang ma-access ngayon ang makabagong teknolohiya, kabilang ang online news at social media. Ang masaklap, may kakayahan itong manlinlang, magdulot ng pagkakawatak-watak, at kahit kapinsalaan at iba pa.

Saludo po tayo sa PCO at iba pang katuwang na ahensya sa isinusulong nitong MIL Project.

Ito’y dahil suportado po namin ang anumang hakbang o kampanya laban sa fake news.