MEDIA KILLING NA NAMAN?

ORO MISMO

MARIING kinondena ng National Press Club (NPC) ang naganap na pananambang sa isang mediaman at dating opisyal ng Presidential Commission for the Urban Poor, nitong Biyernes ng hapon sa Quezon City.

Ayon kay Roly “Lakay” Gonzalo, pangulo ng NPC, dapat na habulin at panagutin ang res­ponsable sa pagpatay kay Abdulrashid D. Ladayo, Sr., 53, tubong Lanao at nakatira sa #30 Engineering St., cor. Manager, Sangandaan, Quezon City.

Nangyari ang krimen dakong alas-3:25 ng hapon sa gilid ng Trinoma Mall. Kabababa lang ng kanilang kotse ang misis ng biktima nang tapatan ng hindi pa kilalang gunman na naka­suot ng mask at helmet sakay ng motorsiklo at pinagbabaril si Ladayo.

Agad namang inatasan ni NCRPO Chief Gen. Guillermo Eleazar ang pamunuan ng QCPD na hanapin at panagutin ang mga salarin kasama na ang utak ng krimen.

Hiniling ng NPC sa Presidential Task Force on Media Security, na pinamumunuan ni Usec. Joel Sy Egco, na magsagawa ng agarang imbestigasyon at makipagtulungan sa kapulisan para sa ikadarakip ng mga res­ponsable sa krimen.

Kabilang si Ladayo sa mga iskolar ng NPC na nagtapos ng Masters in Communication sa Polytechnic University of the Philippines at na­ging mamamahayag ng Remate Express, Bandera at Manila Times. Dati rin siyang director sa Office of the Participatory Governance sa Palasyo ng Malakanyang.

o0o

Congratulations!  Para kay Ellaine Duran ng Butuan City, Min­danao, siya ang itinanghal na grand champion sa “Tawag ng Tanghalan” season 3 Grand Finals ng It’s Showtime ng ABS-CBN.

Mahigpit niyang nakalaban sa top 3 sina John Mark Saga ng Luzon at John Michael dela Cerna ng Mindanao. Sa huli, sina John Mark at Elaine ang naglaban, na napagwagian ni Duran.

Sa online voting ay 25.02 percent ang nakamit ni Elaine, samantalang 14.28 percent kay John Mark, at 10.70 kay John Michael. Bagamat sa mga hurado, si John Mark ang nakakuha ng mataas na boto na 19.32 percent, habang si Elaine ay may 16.16, at si John Michael ay 14.52.

Pero dahil mas mataas nang sobra ang boto ni Elaine mula sa mga manonood, kaya siya talaga ang nanalo. Samantalang halos 3 porsiyento lang naman ang panalo ni John Mark kay Elaine. Mangyari, may malaking puntos sa basehan ng panalo ang social media, o text votes, online votes.

Dapat lang naman dahil super husay talaga ng dalagang ito sa pagkanta. Ang boses niya ay parang pinaghalong Kyla, Angeline Quinto, Regine Velasquez at Jonalyn Viray.  Grabeee, ang galing-galing talaga ni Elaine!

Comments are closed.