PATAY ang isang mamamahayag nang pasukin ng hindi nakikilalang lalaki saka binaril nang malapitan sa loob ng inuupahan nitong bahay ganap na alas-6:00 ng gabi nitong Sabado, Oktubre 30, sa bayan ng Bansalan, Davao Del Sur.
Kinilala ni P/Maj. Peter Glen Ipong ng Bansalan Municipal Police, ang biktima na si Orlando Dinoy alyas Dondon, reporter ng Newsline Philippines, residente ng Mother Ignacia Street, Poblacion Uno, sa nabangit na lugar.
Samantala, nagsasagawa na ng malalimang imbestigasyon ang mga pulis kung sino at ano ang motibo ng pamamaslang sa biktima.
Tiniyak naman ng pulisya na tutuntunin nila ang killer ng dating correspondent ng Philippine Daily Inquirer gayundin ang nasa likod ng pamamaslang sa kanya.
Samantala, ipinag-utos ni Philippine National Police (PNP) Chief, Gen. Guillermo Eleazar ang malalimang imbestigasyon hinggil sa pagpatay kay Dinoy.
“Ipinapaabot ko ang taus-pusong pakikiramay sa mga naulila at kasamahan ni Orlando Dinoy at bilang aksyon ay inatasan ko na ang RD, PRO11 na tutukan ang kasong ito upang mapanagot kung sino man ang may gawa ng krimeng ito,” ayon kay Eleazar.
“We will look into all the possible angles on this case and we are also asking the help of our kababayan to provide us with any information that could lead to the resolution of this case,” dagdag pa ng heneral.
Nangako naman si Presidential Task Force on Media Security (PTFoMS) executive director Joel Sy Egco na tutulong sa imbestigasyon.
“Even if the motive seems to be a personal matter, the Task Force will see to it that justice will be served to those responsible for Dinoy’s death,”ani Egco.THONY ARCENAL/VERLIN RUIZ