MEDIA NETWORKS KASAMA SA KAMPANYA LABAN SA KONTRAKTUWALISASYON

Sec Silvestre Bello III

ISASAMA na rin ng Department of Labor and Employment (DOLE) ang media networks sa isasagawang inspeksiyon, kaugnay  sa kampanya ng pamahalaan laban sa kontraktuwalisasyon.

Ayon kay Labor Secretary Silvestre Bello III, mayroong mga bagong labor law compliance officer na silang magsasagawa ng inspeksiyon.

Nabatid na ang hakbang ay gagawin ng DOLE, kasunod ng alegasyon ni Pangulong Rodrigo Duterte na isang  television network ang lumabag sa anti-contractualization law.

Una nang ibinulgar ng DOLE na maraming establisimiyento sa buong bansa ang nagsusumite na sa DOLE ng kanilang sariling regularization plan.

Ilan umano sa malalaking kompanya na hindi sumusunod ay nagpahayag na rin ng intensiyon na gawing regular na ang kanilang mga empleyado.

Kabilang na rito ang Jollibee Food Corporation na may 14,960 apektadong manggagawa,  Dole Philippines, Inc., na may 10,521 workers, at ang  Philsaga Mining Corporation na may 6,624 empleyado naman.

Kabilang naman sa mga establisimiyento  na boluntaryong nagsumite ng regularization program ay ang  SM Malls, na tinatayang may 10,000 ire-regular na empleyado hanggang bago matapos ang  2018, gayundin ang Century Pacific Food Inc. na may  7,000 manggagawa.    ANA ROSARIO HERNANDEZ

Comments are closed.