MEDIA, WORKERS EXEMPTED SA TRAVEL BAN – DILG

Sec Eduardo Año

QUEZON CITY – PINAWI ni Interior Secretary Eduardo Año ang pangamba ng mga worker living outside Manila (WLOM) hi­nggil sa paiiraling community quarantine sa Metro Manila na alisunod sa Inter-Agency Task Force on Emerging Infectious Disease (IATFEID) Resolution No. 11.

Alinsunod sa nasabing resolution, nakataas ang Code Red Sub-Level 2 sa Filipinas.

Ayon sa kalihim, pinapayagan pa rin ang mga manggagawa o WLOM na makapasok sa Metro Manila kung saan sila nagtatrabaho.

Gayunman, ni-require ang mga WLOM na ipakita sa mga magsisiyasat na pulis sa mga itinalagang checkpoint ang kanilang company identification card.

“Lilinawin ko lang sa kasama papayagan ang mga nagtatrabaho na pumasok provided na may ID may pagpapatunay na ang work nila ay nasa Manila,” ayon sa kalihim.

Bukod sa mga WLOM, maging media umano ay exempted din sa travel ban.

Alinsunod sa nasabing resolution, epektibo alas-12 ng madaling araw ng Marso 15, limitado ang pagbiyahe palabas at papasok sa Metro Manila bilang pag-iwas na kumalat ang kaso ng coronavirus disease (COVID-19).

Pinalawig din hanggang Abril 12 ang suspensiyon ng klase na nagsimula noong Marso 10 at maging ang ilang lungsod ay nagsagawa rin ng kanselasyon ng trabaho.

Samantala, magugunitang sinabi ni Cabinet Secretary Karlo Nograles na kanila pang paplantsahin ang sitwasyon ng mga worker na nakatira sa karatig lalawigan.

STATE OF CALAMITY SA QUEZON CITY

Samantala, kahapon ay idineklara ni Quezon City Mayor Joy Belmonte ang state of calamity makaraang sumampa sa anim ang kaso ng CO­VID 19.

Kabilang sa tinamaan sa nasabing lungsod ay ang 45-anyos na doktor na nahawa sa ginagamot na pasyente. VERLIN RUIZ

Comments are closed.