MEDIA,BUMBERO ISAMA SA PRAYORIDAD SA BAKUNA

UMAPELA si Manila Mayor Isko Moreno sa mga awtoridad na namamahala sa rollout ng COVID-19 vaccines na isama na sa listahan ng priorities ang mga miyembro ng pamatay sunog, media at mga mayors dahil sa kanilang papel na gina­gampanan bilang mga frontliners din sa gitna ng pandemya.

Gayunpaman, ni­linaw ni Moreno na hindi siya kasama sa kanyang panukala na isama ang mayors sa listahan na mauuna sa bakuna kahit pa ilan sa mga kapwa niya alkalde ay tinamaan na ng COVID-19 kabilang na ang napaulat na pagkakaroon nito sa pa­ngalawang pagkakataon ni Quezon City Mayor Joy Belmonte at ang pagkamatay ng Famy, Laguna Mayor Edwin Pangilinan dahil din sa COVID-19 kamakailan.

Ayon pa kay Moreno, naniniwala siya na ang medical health frontliners,allied services, senior citizens at maging ang comorbidities ay dapat na nasa unahan sa listahan ng priorities.

Binanggit pa ng alkalde na mayroon lamang higit na 1,600 municipal at city mayors sa bansa at kung isasama man ito sa priority list ay hindi ito makakaapekto sa prioritization program ng gobyerno.

Sa kaso naman ng mga miyembro ng media, binanggit ni Moreno ang kahalagahan ng pagbibigay proteksiyon sa interes ng publiko sa pamamagitan ng pagbibigay nila ng tama at maasahang impormasyon sa panahon ng pandemya.

Kung walang maaasahang media, sinabi ni Moreno na walang pagpipilian ang taumbayan kundi ang mga fake news na maaaring magresulta sa kalituhan at kawalan ng gabay.

Pagdating naman sa firefighters, binanggit ni Moreno na marami sa mga government at volunteer firemen ang tinamaan ng COVID-19 at naiuuwi pa nila ito sa kanilang pamilya kung kaya’t natatakot din ang mga ito tuwing rumires­ponde kapag may sunog.

Sa panawagan kaugnay sa pagsasama sa mga bumbero sa prio­rity list ng bakuna, ayon kay Moreno ay dapat na matugunan lalo na at pa­nahon ng tag-init ngayon kung saan mas madalas ang insidente ng sunog.

Binanggit pa ng alkalde na mayroong fire volunteer group ang hindi makapagresponde sa sunog dahil karamihan ng mga miyembro nito ay tinamaan ng COVID-19. VERLIN RUIZ

One thought on “MEDIA,BUMBERO ISAMA SA PRAYORIDAD SA BAKUNA”

Comments are closed.