TAHASANG sinabi ng misis ni Jaime Aquino na dating Manila Times reporter at National Press Club (NPC) member, na ‘planted’ ang nakitang granada ng mga tauhan ng National Bureau of Investigation kamakalawa ng tanghali sa bahay ng kanilang tiyahin.
Ayon sa misis ni Aquino na si Manilyn Mendoza, nagpapagasolina ito sa Pangasinan nang biglang lapitan ng mga tauhan ng NBI sa bisa ng isang bench warrant.
Sa halip na dalhin sa presinto si Aquino, dinala ito ng mga ahente ng NBI sa kanyang tahanan upang magsagawa naman ng search sa bisa ng hawak nilang search warrant na ipinalabas ni Pangasinan Tayug Regional Trial Court Branch 51 Judge Rusty M. Nay na may petsang Marso 14, 2022.
Batay sa nilalaman ng search warrant, ipinag-uutos ng hukuman ang pagsasagawa ng search sa tahanan ni Jaime, sa kanyang water refiling station at sa isang Pavillon.
Maging ang puwesto ng spare parts ng sasakyan, tindahan at ang isang bahay na hindi naman nila pag-aari ay hinalughog din ng mga NBI.
Sa mga nilalaman ng warrant gumawa ng inventory report ang mga tauhan ng NBI at dito nakasaad na wala silang nakita na kanilang hinahanap batay sa nilalaman ng search warrant.
Nagtataka sina Mendoza at Aquino na makalipas ang ilang minuto ay nakakuha na ang NBI ng dalawang granada sa mismong lagayan ng mga pinggan sa isang bahay na pag-aari ng kanilang tiyahin. Ayon sa mag asawa, imposibleng maglagay sila o sinuman ng granada sa mismong lagayan ng pinggan dahil doon naglalaro ang kanilang mga anak kasama ang ibang bata.
Sinabi pa ni Manilyn na noong iprisinta sa kanya ng NBI ang search warrant ay maarin niyang ipinakiusap sa mga ito na maari silang maghalughog sa kanilang tahanan basta sa presensya ng mga opisyal ng barangay at kasama sila.
At naganap na noong sila ay kasama at ang mga opisyal ng barangay sa kanilang tahanan, tindahan, refilling station at spare parts store ay walang anumang nakuha.
Ngunit nang hindi sila kasama at ang mga opisyal o tauhan ng barangay ay bigla-biglang mayroong dalawang bomba.
Tinukoy ni Atty. Fernandez na sa kanilang pagharap sa korte ay patutunayan nilang planted ang ebidensya dahil sa mga ilang pagkakataon at testigo at ebidesyang hawak nila matapos ang insidente.
Kuwento pa ni Manilyn na ang bench warrant ni Jaime na iprinisinta at dahilan ng pagdakip nito ay may kaugnayan sa kanyang kasong libel noong 2007 kung kaya’t ipinagtataka nila ang motibo ng search warrant gayong ito ay wala namang kaugnayan sa kasong una na niyang kinasasangkutan.
Naniniwala ang kampo ni Jaime na ito pa rin ay may kinalaman sa pulitika dahil matapos niyang pabulaanan na personal at matagal na niyang kaibigan ang mag-asawang sina Congresswoman Helen Tan at Department of Public Works (DPWH) Regional Director Rommel Tan.
Bukod sa kanyang pagtanggi na tumanggap siya ng tatlumpong milyong piso mula sa mag-asawang Tan.
At sa isang press conference ibinunyag niyang kinasuhan niya sina Quezon Governor Danny Suarez, Councilor Arkie Yulde, Atty. Villamor at anak na si Justine Aquino.