IKINASA ni ACT-CIS Partylist Rep. Erwin Tulfo ang isang programang magbibigay tulong pinansiyal sa pagpapaospital ng hanay ng media at pamilya nito.
Sinikap gawin ni Tulfo ang hakbang bunsod ng kakapusan at limitadong benepisyo ng mga mamamahayag sa bansa.
Ayon kay Tulfo, na isa ring aktibong media, alam niya mismo ang tunay na kalagayan ng mga mamamahayag sa bansa na ang iba ay walang benepisyo o health insurance.
Ito ang naging paraan ng kongresista kung kaya’t gumawa siya ng paraan kung paano matutulungan ang industriyang ito.
Aniya, sakop ng kanyang programa sa pagpapa-ospital ang mga alagad ng media kasama, asawa, anak, magulang at kapatid.
Nabatid na sakaling ma-ospital ang mga media at pamilya nito, may nakalaang P25,000 hanggang P100,000 halaga depende sa bigat ng karamdaman.
Hindi lamang pampublikong ospital ang kasama sa listahan ng kongresista kundi maging sa piling pribadong mga ospital din sa buong bansa.
Maaaring puntahan ang National Press Club sa Intramuros, Maynila upang makita ang mga sakop na ospital sa naturang programa at Inaasahang mailalathala ito sa NPC Digest at maging sa official website nito ang kumpletong listahan.
Kailangan lamang ihanda ang mga kinakailangang dokumento tulad ng endorsement ng NPC sa miyembro, medical abstract ng pasyente at kung saan naka-confine ang pasyente.
Para sa iba pang detalye maaring makipag-ugnayan sa NPC o sa tanggapan ng kongresista.
Mariing pinasalamatan naman ni NPC President Leonel ‘Boying’ Abasola ang ginawang inisyatibo ng kongresista sa hanay ng media na noon pa man ay tumutulong sa media industry.
“Ang pamunuan ng National Press Club ay taos-pusong nagpapasalamat kay ACT-CIS Partylist Rep. Erwin Tulfo sa ating samahan, ang kanyang walang sawang ayuda para sa ibat ibang proyekto ng NPC ay patunay lamang na lubos din ang kanyang tiwala sa atin, muli, maraming Salamat Cong,” saad ni Abasola.
BENEDICT ABAYGAR, JR.