QUEZON PROVINCE-PORMAL ng inilunsad ang Ground Breaking Ceremony ng itatayong Mauban Medical Center sa bayan ng Mauban.
Pinangunahan ito ni Gobernor Danilo Suarez kasama sina Mayor Marita Llamas, Regional Director CHD CALABARZON Dr.Ariel Valencia, Prov.Health Team Leader Prov. DOH Dr.Juvy Paz Purino, IPH OIC Dr. Tiong Eng Roland Tan, at Chief of Hospital Dr. Rolando Padre.
Ayon kay Gob.Suarez, Mauban Mayor Llamas at Municipal Health Officer Dr. Ronald Mararac sa oras na matapos ang konstruksyon ng bagong pampublikong ospital inaasahang malaki ang maitutulong nito upang matugunan ang mga pangangailangang medikal ng kanilang mga kababayan na kapos sa pinansyal na kakayahan hindi lamang sa bayan ng Mauban kundi maging sa mga karatig bayan.
Naging bukas sa kaisipan ni Gob. Suarez na mas kailangan ng lalawigan ng Quezon na madagdagan pa ng mga pampublikong pagamutan upang hindi magsiksikan sa nag-iisang Quezon Medical Center ang kanyang mga kalalawigan na nagkakasakit.
Ito ang naging obserbasyon at natutunan ng Gobernador noong kasagsagan at nagumpisa ang Covid 19 Pandemic sa Quezon kung saan ay halos hindi na magkasya at napuno ang nasabing pampublikong pagamutan sa mga pasyente na tinamaan ng virus na maging sa mga pasilyo ng ospital ay napuno ng mga pasyente.
Nakiisa rin at sumuporta sa isinagawang aktibidad sina former PCSO Director Betty Nantes, 1st Dist Board Member Alona Obispo, 3rd Dist. Board Member Jet Suarez at Sangguniang bayan ng Mauban. BONG RIVERA