NILINAW ng ilang eksperto sa larangan ng medisina na hindi sagot ang paggamit ng ilang tradisyunal na pangontra upang mapuksa o mapaalis ang lamok sa loob ng isang tahanan.
Sa ginanap na lingguhang Report to the Nation media forum ng National Press Club, sinabi ni Dr. Charles Yu, co-convenor ng Doctors for Truth and Public Welfare (DTPW) na mali ang nakagisnang paggamit ng katol, Off lotion, citronella o maging ang palagiang pagpapabuga o fogging sa mga barangay.
Ayon kay Dr. Yu, lumabas sa kanilang pag-aaral na mas marami pa nga sa mga nagkakakaso ng dengue ang palagiang gumagamit ng katol kumpara sa mga hindi gumagamit.
Kasunod nito, hinikayat ni Dr. Yu ang Department of Health (DoH) na tuluyang maisulong ang pagbabalik ng Dengvaxia vaccine sa bansa na aniya’y mahalagang maging available ito kahit sa mga pribadong sektor.
Iginiit nito na suportado nila maging ang grupo ng samahan ng mga pasyente o Philippine Alliance of Patient’s Organizations (PAPO) na nagpalabas na ng manifesto upang mapalawak ang wastong impormasyon at magkaroon ng access sa Dengvaxia vaccine na inirerekomenda ng mga medical specialist.
Sinabi naman ni Dr. Fatima Jimenez, immunization chair ng Pediatric Infectious Disease Society of the Philippines (PIDSP) na panahon na para malaman ng publiko ang katotohanan sa isyu ng Dengvaxia.
Aniya, nararapat lamang na tanging sa mga dalubhasa sa medisina makinig ang publiko at hindi sa ilang personalidad na nagmamagaling lamang na wala sa propesyon ng medisina para magsalita ukol sa isyu ng Dengvaxia vaccine.
Sinusugan din ito ni Dr. Yu, na aniya’y hindi na dapat nagsasalita si Public Attorneys Office (PAO) chief Persida Rueda Acosta sa naturang bagay at manatili na lamang sa kanyang legal profession.
Kinuwestiyon din ni Dr. Yu ang kakayahan ni Dr. Erwin Erfe, forensic chief ng PAO na tumingin sa mga namatay na dapat ay ang certified pathologist at hindi ang isang forensic.
Hindi rin kumbinsido si Dr. Yu sa pagbubukas ng katawan ng mga bangkay gayong ilang araw nang patay ang mga ito at natural lamang na nagkakaroon ng mga pattern sa mga nakikitang namamagang organs sa katawan ng isang tao.
Idinagdag pa nito na sa kasalukuyan, mayroong 48 countries ang patuloy na gumagamit ng Dengvaxia vaccines at isa na rito ang Brazil na kung saan No. 1 noon sa pinakamaraming kaso ng dengue, pangalawa lamang noon ang Filipinas, subalit nasugpo ng Brazil ang sakit sa tulong ng Dengvaxia vaccine nang walang namatay habang sa ngayon ay Filipinas na ang nangungunang may dengue cases at walang available na Dengvaxia vaccine hanggang ngayon.
Samantala, taliwas naman ang naging tugon ng ilang medical experts at health advocates na nagkakaisang labanan ang pagbabalik ng Dengvaxia vaccine sa bansa.
Sa isang press conference sa Quezon City, nanindigan ang Health Action for Human Rights (HAHR) at Coalition for Peoples Right to Health (CPRH) na hindi kailangan ang kontrobersiyal na bakuna para labanan ang dengue.
Sa pahayag ni Dr. Joshua San Pedro, community doctor at co-convenor ng CPRH, dapat hadlangan ang isinusulong ng ilang kasamahan sa medical profession dahilan sa panganib na maidudulot ng nasabing bakuna sa kabataan.
“The best way to address the dengue epidemic, which is now a public health crisis, is to strengthen the public health system and mobilize the com-munities and all government resources to destroy the breeding grounds of mosquitoes that carry the virus,” pahayag ni Dr. San Pedro.
Sinabi naman ni Dr. Julie Caguiat, kalihim ng Community Medicine Practitioners and Advocates Association (COMPASS) na dapat ilabas lahat ng manufacturer na Sanofi Pasteur ang resulta ng kanilang buong pag-aaral sa Dengvaxia.
“Sanofi Pasteur and their advocates must be completely transparent and accountable to the people. They lied to the public before, why should physicians and the people trust them now? No one has been held accountable yet on the Dengvaxia fiasco,” litanya pa ni Dr. Caguiat. BENEDICT ABAYGAR, JR.