Kasabay ng paggunita ng National Heroes’ Day ay binigyang-pugay at pinarangalan ng Archdiocese of Manila ang mga medical frontliner sa bansa, na tinaguriang ‘modern-day heroes’ dahil sa kanilang kabayanihan at sakripisyo ngayong panahon ng COVID-19 pandemic.
Sa kanyang homiliya sa misa para sa ika-22 Linggo sa Karaniwang Panahon na ginaganap sa Veritas Chapel, kinilala ni Manila Apostolic Administrator Bishop Broderick Pabillo ang kabayanihan ng mga medical frontliner sa Flipinas.
Ayon kay Pabillo, ang kalayaan ng bansa mula noon hanggang ngayon ay bunga ng pagsisikap at pagsasakripisyo ng sariling buhay ng mga bayani ng bansa.
Pagbabahagi pa ng Obispo, malaki ang ambag ng pagsusumikap at pagtatiyaga ng mga medical frontliner upang mapangalagaan at mapagaling ang mga nagkakasakit ng COVID-19.
Ipinaliwanag niya na dahil sa kabayanihan ng mga medical frontliner sa bansa ay mas marami ang mga naitatalang gumagaling mula sa coronavirus disease 2019 (COVID-19) at kaunti lamang sa bilang na ito ang binawian ng buhay.
“Ginugunita natin ang National Heroes’ Day. Ang ating kalayaan ngayon ay bunga ng pagsisikap at pagbubuwis ng buhay ng mga bayani natin noon at mga bayani natin ngayon. Sa ating bansa, marami ang mga nagkasakit na ng COVID higit na sa 200,000 na, pero higit na 3,000 lang ang namamatay – mga 1.5% lang ng mga na-infect. Ang mababang bilang na ito ay dahil sa modern-day heroes natin – ang mga medical frontliners…” pagninilay ni Bishop Pabillo sa Healing Mass sa Radio Veritas.
Iginiit pa niya na kahanga-hanga ang kabayanihan ng mga naglilingkod sa mga pagamutan sa bansa na sa kabila ng mababang suweldo, kawalan ng sapat ng benepisyo at panganib na dulot sa kanilang buhay at mga pamilya ay kanilang itinataya ang buhay para sa kapakanan ng bayan.
Ayon kay Pabillo, hindi matatawaran ang ganitong uri ng kabayanihan na paglimot at pagtataya sa sariling buhay para sa kapakanan ng kapwa at mas nakararami tulad ng ginawang pagbubuwis ng sariling buhay ni Hesus para tubusin ang sanlibutan mula sa kasalanan.
“Kahit mababa ang suweldo, kahit mapanganib sa kanila at sa kanilang mga pamilya, at kahit na nga kulang sa mga gamit ay nagtataya ng buhay nila para sa bayan. Iyan nga, ang isang tao ay nagiging bayani kapag siya ay nagtataya, nililimot ang sarili para sa iba. Iyan iyong pagtulad kay Jesus,” aniya pa.
Bilang pagbibigay parangal at pananalangin para sa medical frontliners ay isang Misa, na idinaos kasabay ng Araw ng mga Bayani, sa San Felipe Neri Parish, Mandaluyong City, ang inialay rin ng Archdiocese of Manila sa mga frontliner. ANA ROSARIO HERNANDEZ
Comments are closed.