MEDICAL FRONTLINERS, SENIOR CITIZENS, PWDs, OFWs, ATBP. UNANG MABIBIGYAN NG ANTI-COVID 19 VACCINE

Rida Robes

ALINSUNOD na rin sa guidelines na ipinalabas ng World Health Organization (WHO), tinukoy ng  Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases (IATF-EID) kung aling sektor ang unang mabibigyan sakaling mayroon ng naaprubahan at magagamit na anti-COVID 19 vaccine.

Ito ang ipinahayag ni House Committee on People’s Participation Chairperson at San Jose Del Monte City Rep. Rida Robes matapos ang isinagawang pagdinig ng kanyang komite upang alamin ang estado at pinakahuling impormasyon hinggil sa isinasagawang clinical trials ng tatlong klase ng naturang bakuna sa bansa.

Ayon sa lady House panel head, nangunguna sa listahan ng prayoridad para magkaroon ng anti-COVID 19 doses ang mga frontline health worker kapwa mula sa public at private sectors; indigent senior citizens at iba pang senior citizens; mahihirap na pamilya at government  uniformed personnel.

Ang sumunod naman na sektor na mabibigyan ng libreng bakuna na ito ay ang public at private institution teachers at workers; government workers; essential workers sa agriculture, food industry, transportation at tourism; socio-demographic groups at higher risk people gaya ng mga bilanggo; People with Disability (PWDs) at mga Filipino na naninirahan sa high density areas; overseas Filipino workers (OFWs) at iba pang workforce at maging ang mga estudyante.

Sinabi ni Robes na mayroon na ring naisaayos na pamamaraan ang Department of Health (DOH) na gagamitin ng Duterte administration upang masiguro na makabibili at magkakaroon ang Filipinas ng kaukulang supply ng anti-COVID 19 vaccine.

Ito ay sa pamamagitan ng tinatawag na COVID-19 Vaccines Global Access (COVAX) facility, na ipinaliwanag ni Robes bilang isang  “global sharing mechanism for pooled procurement and equitable distribution of Covid-19 vaccine” kung saan kasapi ang bansa sakaling mayroong bakuna na nabigyan ng lisensiya at aprubado na para gamitin. ROMER R. BUTUYAN

Comments are closed.