BINUBUSISI na ng Food and Drug Administration (FDA) ang alegasyon laban sa Ang Mata’y Alagaan (Mata) partylist matapos mabalitaan ng Department of Health (DOH) ang kuwestiyonableng mga medical mission ng grupo.
Ayon kay DOH Secretary Francisco Duque III, naatasan ang FDA na siyasatin ang alegasyon ng Pinoy Aksyon for Governance and Environment (Pinoy Aksyon) laban sa nasabing partylist.
“It is already being investigated by the FDA,” ani Duque.
Partikular na iniimbestigahan ng FDA ang balitang umanoy pamamahagi ng gamot na hindi rehistrado ng ahensiya.
Maaari namang kumilos ang DOH matapos na ilabas ng FDA ang resulta ng imbestigasyon.
“It depends on the results of the investigation as it will serve as basis for the filing of appropriate cases,” saad ni Duque.
Noong isang linggo ay sumulat at hiniling ng Pinoy Aksyon sa kalihim na siyasatin ang mga aktibidad umano ng partylist.
Nanawagan na rin ang Pinoy Aksyon sa House Ethics and Health committees na imbestigahan ang mga proyekto ng partylist na pinangungunahan ni Rep. Tricia Nicole Catera.
Ang Pinoy Aksyon for Governance and Environment ay isang independent people’s organization at think tank advocate for good governance sa pamamagitan ng transparency at accountability. PILIPINO Mirror Reportorial Team