MEDICAL MISSIONS NG ‘ANG MATA’ SIPATIN

MASAlamin

DAHIL sa ating pambansang karanasan lalo na sa mga health disaster katulad ng Dengvaxia sa ilalim ng administrasyon ni Noynoy Aquino, Butch Abad at Janette Garin kung saan higit sa 830,000 na mga estudyante ang napagtuturukan ng experimental vaccine na Dengvaxia na isang pambansang pag-eeksperimento na State-sponsored sa halagang P3.5 bilyon, minabuti nating maging mas maingat na para sa kalusugan ng buong bansa.

Kaya naman ating sinisigurado na ang ginagawang mga medical mission ng partylist group na ang ‘Ang Mata’ ay nararapat lamang na tugma sa siyentipikong pamamaraan at hindi makasasama sa mga Filipino.

Hindi naman siguro kalabisan nating hilingin na tingnan ng pamahalaan ang ginagawang pamimigay ng ‘Ang Mata’ ng mga libreng salamin sa ating mga kababayan, kung nasusunod ba nito ang mga tamang panuntunan para sa mga pasyenteng nanlalabo ang mga mata.

Bukod sa mga salamin, hindi rin marahil kalabisan kung ating hilingin na imbestigahan ang nasabing partylist sa isinasagawa nilang pamimigay ng mga gamot na nangangailangan ng approval ng Food and Drug Administration (FDA). Ang atin lamang ay kung ang Dengvaxia nga na nakasasama at nakamamatay ay may approval ng FDA dahil sa ilang hocus pocus ng mga opisyal noon, paano pa ang mga gamot na talagang walang approval ng FDA?

Pinapaalalahanan natin ang mga grupong may aktibidad na may kinalaman sa pampublikong kalusugan na huwag tahasang pumalaot ng walang abog-abog, dahil may mga batas na nagsasailalim sa ganyang mga gawain at kaganapan.

Ingatan na ang ating walang kamalay-malay na mga kababayan, at ang pag-iingat ay nasa mga kamay ng ating pamahalaan, mga departamento at ahensiya nito na siyang mga dapat magbantay at sumipat sa lahat ng mga bagay na may kinalaman ang pambansang kalusugan.

Kaya naman ating hinihiling sa Professional Regulations Commission na imbestigahan ang mga ganitong medical mission, sapagkat nasa kanilang mandato ang bantayan at palawigin ang mga existing na batas katulad ng RA 8050 o Revised Optometry Law of 1995 at RA 7394 o Consumer Act of the Philippines.

Comments are closed.