MEDICAL RESEARCH VS PANDEMYA PRAYORIDAD NI BBM

NANINIWALA  ang nangungunang Presidential aspirant na si Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr. na nararapat na mas malaking budget ang ilaan ng bansa para sa pananaliksik o scientific research para sa higit na kahandaan ng bansa sa mga medical emergency katulad ngayong mayroong pandemyang nararanasan ang Pilipinas.

Patunay nito ani Marcos, na siyang standard-bearer ng Partido Federal ng Pilipinas, ay ang Research Institute for Tropical Medicine (RITM) na binuo o itinayo pa noong 1980s at magpahanggang ngayon ay kapansin-pansin ang kahalagahan nito dahil ito lamang ang tanging laboratoryo sa bansa na may kapasidad makakuha ng mapagkakatiwalaang resulta ng COVID-19 tests noong unang mga buwan ng pandemya.

Dagdag pa ni Marcos, ang kakulangan nito ng karampatang budget kung kaya’t maraming oportunidad ang napalampas para sa RITM dahil ito’y may limitadong papel na magplano at maglunsad ng research programs para sa mga nakakahawang sakit at tropical diseases lamang.

“Yung Research Institute for Tropical Medicine ay bagay na bagay ngayon ‘yan dito sa pag-aaral sa Covid. Pero kaya nga lang nung lumipas ang panahon, hindi na binibigyan ng karampatang importansya itong mga institute na ito,” wika pa ng Presidential aspirant.

“Sayang naman at maraming missed opportunities pero may pagkakataon pa tayo, alam na natin ang problema. Alam na natin kung saan tayo nagkulang. I-build up natin ‘yung mga facilities ng ating mga research. Napakaimportante, kasi naman ‘di natin iniisip dahil wala naman noong Covid, wala namang pandemya, ngayong may pandemya, pinaalala sa atin na kailangang gawin ang lahat ng ito,” pagdidiin pa ni Marcos.

Sinabi pa ni Marcos na mayroon din siyang nakikitang kailangan na palakasin, ito ang National Institute of Molecular Biology and Biotechnology (BIOTECH) para aniya ang bansa ay magkaroon ng kakayahang gumawa ng sarili nitong bakuna.

“Dati gumagawa na tayo ng sarili nating flu vaccine, ginagawa sa UPLB (UP-Los Banos) at nakakapagbakuna ng 60 percent ng population. Kaya naman natin gawin pero kailangang patibayin at pagandahin ang sistema. Ang daming bagong teknolohiya na pwedeng i-take advantage,” wika ni Marcos.

Idinagdag pa ng dating gobernador ng llocos Norte na nauunawaan niya ang layunin at pagmentina ng mga pasilidad ng pananaliksik kung kaya’t pakay niyang dagdagan at pag-ibayuhin pa ang mga pasilidad na mga ito upang maging kapaki-pakinabang laban sa pandemyang kinakaharap ngayon at sa iba pang panahon na darating.